NASAMSAM ng mga awtoridad ang halos P.2 milyong halaga ng shabu sa tatlong hinihinalang drug pushers, kabilang ang 15-anyos dalagita na na-rescue sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ni P/SMSgt. Fortunato Candido kay Valenzuela City police chief, Col. Ramchrisen Haveria, Jr., dakong 6:00 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo ng buy bust operation sa A. Bernardino Ext., Brgy. Ugong.
Dito nagpanggap bilang poseur buyer ang isang pulis na nagawang makipagtransaksiyon sa kanilang target na si Jayson Gonzaga, 22 anyos, residente sa Lower Tibagan, Brgy. Gen T. De Leon ng P500 halaga ng shabu.
Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad sinunggaban ng mga operatiba at nakuha ang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu, P68,000 ang halaga, marked money, P300 cash at cellphone.
Nauna rito, 4:30 am nang masakote ng kabilang team ng SDE sa pangunguna ni P/Lt. Doddie Aguirre sa buy bust operation sa Sitio Kabatuhan St., Compound 1, Brgy. Gen. T. De Leon si John Jefferson Berza, alyas Noy, 22 anyos, sinabing miyembro ng Rodriguez Drug Group, residente sa Libis Baesa, Caloocan City at kasabwat nitong
15-anyos dalagita.
Ani P/Cpl. Pamela Joy Catalla, narekober sa kanila ang tinatayang nasa 15 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P102,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 17 pirasong P500 boodle money, P350 cash, cellphone at coin purse.
Nahaharap ang naarestong mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)