ISANG construction worker ang naaresto matapos makuhaan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu nang tangkaing takasan ang mga pulis na sumita sa kanya dahil sa hindi pagsusuot ng face mask sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan police chief, Col. Samuel Mina, Jr., ang naarestong suspek na si Roldan Magluyan, 27 anyos, residente sa Wood Craft St., Bayanihan Baesa, Brgy. 159 ng nasabing lungsod.
Ayon kay Col. Mina, dakong 10:30 pm, habang nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 6 sa pangunguna ni P/Lt. Mel Soniega sa Bayabas St., Brgy. 164, nang mapansin nila si Magluyan na gumagala sa lugar at walang suot na face mask.
Nang tawagin ng mga pulis para alamin ang kanyang pagkakakilanlan at ipaalam sa kanya ang kanyang paglabag ay hindi sila pinansin ng suspek at sa halip ay tinangka nitong tumakas.
Hinabol ang suspek nina P/Cpl. Jemuel Pule at Patrolman Joclark Cea hanggang maaresto at nang kapkapan ay nakuha sa suspek ang walong pirasong medium transparent plastic sachets na naglalaman ng tinatayang nasa 36.37 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P247, 316.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Art 151 of RPC at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)