Sipat
ni MAT Vicencio
AYAW talagang paawat si Senator Imee Marcos, at mukhang patuloy na makikialam at hindi titigil kahit mabulilyaso o madiskaril pa ang kandidatura ng kanyang kapatid na si dating Senator Bongbong Marcos.
Sabotahe na maituturing ang ginagawa ni Imee kay Bongbong. Hindi nakatutulong, at sa halip lumilikha ng marami at bagong kaaway si Bongbong dahil sa nakaiinis at mapanghamak na ginagawa ni Imee sa social media.
Pati nga si Ka Leody de Guzman, lider manggagawa at tumatakbo ring presidente, ay galit kay Imee dahil sa pang-iinsulto sa mga obrero at empleyado sa viral video nito hinggil sa usapin ng pagtatrabaho ng 18 oras bawat araw.
“Sinabi ni Imee na ‘sinungaling’ at ‘estupido’ raw ‘yung nagsasabing nagtatrabaho sila ng 18 oras kada araw. Malamang nasabi niya ito dahil hindi niya naranasan ang pagiging manggagawa. Hindi rin siya nakalinga ng karaniwang nanay na may double burden na gawaing bahay bukod sa pagtatrabaho,” pahayag ni De Guzman.
Kabaliktaran ang ginagawa ni Imee sa ginagawa ni Bongbong. Kung pagkakaisa ang panawagan ni Bongbong, si Imee naman pagkakawatak-watak dahil sa kanyang pakikipagbangayan.
Dapat talagang ibartolina si Imee dahil sa maling diskarteng ginagawa nito sa kampanya ni Bongbong. At habang papalapit ang halalan, kailangang kausapin na si Imee nang masinsinan para manahimik at hindi na makapanggulo sa kandidatura ni Bongbong.
At susi rito si Liza, ang asawa ni Bongbong. Si Liza, ang nag-iisang nilalang na may karapatan at tapang na sumopla kay Imee. Napatunayan na ito noong mga nagdaang eleksiyon nang mapikon at tuluyang magalit si Liza at mapalayas si Imee sa kampanya.
Sa ngayon kasi, parang ‘power tripping’ ang ginagawa ni Imee. Kung makapanglait ng mga manggagawa at simpleng kawani ay para bang nakalimutan na niya ang pangyayari kung papaanong pinatalsik ang kanilang pamilya sa Malacañang ng taongbayan.
Sana maintindihan ni Imee na ang pamamayagpag ni Bongbong sa mga survey ay bunga ng pagpapakita nito nang walang kayabangan at hindi mapagmataas na siyang umaani ngayon ng suporta mula sa simpleng mamamayan.
Dapat isipin ni Imee na hindi pa tapos ang laban at maaari pang magbago ang sitwasyon at maungusan si Bongbong ni Leni Robredo o di kaya ay ni Isko Moreno. Payo natin kay Imee, hinay-hinay lang at huwag sobrang yabang dahil hindi pa naman nakasisigurong si Bongbong ang mananalo.
Kaya Liza, please busalan mo ang bunganga ni Imee!