SWAK kulungan ang isang vendor matapos bentahan ng baril ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang naarestong suspek na si Demil Duque, 40 anyos, residente sa Kabulusan Dos ng nasabimg lungsod.
Ayon kay P/MSgt. Julius Mabasa, nakatanggap ang mga operatiba ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Jay Dimaandal ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant na nagbebenta ng baril ang suspek.
Dahil dito, ikinasa ng mga operatiba ng DSOU sa pangunguna ni P/Capt. Melito Pabon, kasama ang 4th MFC RMFB ang buy bust operation sa harap ng bahay ng suspek dakong 4:30 pm, kung saan nagawang makipagtransaksiyon sa kanya ni P/SSgt. Jikko Duncil na nagsilbi bilang poseur buyer ng P2,000-baril.
Matapos matanggap ng back-up na si P/SSgt. Joseph Inocencio ang pre-arrange signal mula sa poseur buyer na tapos na ang transaksiyon, agad siyang lumapit saka inaresto ang suspek.
Nakompiska sa suspek ang isang kalibre .38 revolver, anim na bala, buy bust money, dalawang pirasong P500 bills at dalawang pirasong P500 boodle money.
Nahaharap ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 at paglabag sa Omnibus Election Code o Gun Ban. (ROMMEL SALES)