ni GERRY BALDO
BINATIKOS ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro ang utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay na isumite ang listahan ng mga taong hindi bakunado.
Aniya, ang listahan ng mga benepisyo ng bakuna, vaccination sites, mass testing at contact tracing ang dapat pagtuunan ng DILG at ng mga barangay, hindi listahan ng mga unvaccinated.
“The DILG is imposing a policy that is unconstitutional and violates a person’s right to privacy,” ayon kay Castro.
Aniya, ang listahan ng mga nawalan ng trabaho at mga pamilyang nangangailangan ng ayuda ang dapat likumin ng DILG.
“Magdadalawang taon sa ilalim ng palpak na tugon ng administrasyong Duterte sa pandemiya, dumarami lamang ang naghihirap dahil sa pag-abandona ng gobyerno sa mga pangangailangan ng mamamayan sa gitna ng matinding krisis pang-ekonomiya at kalusugan,” aniya.
Anang makabayang kongresista, P10,000 ayuda kada pamilya, sapat na bakuna, mass testing at contact tracing ang kailangang gawin ng pamahalaan.
“Imbes bigyang prayoridad ng gobyerno ang mass testing, contact tracing at mas agresibong pagpapabakuna, obsesyon sa mga unvaccinated ang mas binibigyan ngayon ng pansin. Imbes makatulong sa naghihingalong mamamayang Filipino at health care system ng bansa, witch hunt sa unvaccinated ang inaatupag ng Duterte administration,” aniya.