AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
BAD news ba o good news? Ang alin? Ang muling ‘pagsasara’ ng Baguio City sa mga nais magbakasyon sa kilalang “Summer Capital” ng bansa, para magpalamig lalo na ngayong panahon ng amihan.
Marahil bad and good news ang ginawang pansamantalang pagsasara ng pamahalaang lungsod. Bad news sa mga matagal nang nagpaplanong makaakyat muli sa Baguio at lalong bad news din sa mga negosyante ng lungsod lalo sa mga manggagawa.
Sa kabila naman nito, masasabing good news pa rin dahil ang hakbangin ay para sa kaligtasan ng lahat – hindi naman siguro lingid sa ating kaalaman ang dahilan ng muling pagsasara ng lungsod sa mga turista.
Nitong 2 Enero 2022 nang ipag-utos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pagsasara dahil sa banta ng CoVid-19 — umaarangkada na naman ang bilang ng mga nahahawaan ng ‘veerus’ …isinara rin ito dahil sa banta ng Omicron.
Pero kahit paano ay may nalalabi pang good news dahil iyong mga nakapagrehistro sa Visita Baguio bago ang suspensiyon noong 2 Enero 2022 ng pagtanggap ng reservation ay maaari pang umakyat at magbakasyon sa Baguio. Ayos ba? Pero alalahanin natin, ibang klase ang Omicron. Ingat-ingat lang.
Sa ngayon o simula nitong Enero 2, ihininto na muna ng Visitor Information and Travel Assistance (Visita) ang pagtanggap ng aplikasyon mula sa mga turista na nais magbakasyon sa lungsod.
Pero kahit na paano ay mayroon pa rin buhay sa Baguio – kasi iyong nakapagreserba na at aprobado na ng Visita ay maaari pa rin umakyat. Puno na rin ng approved booking ang mga hotel sa Baguio – simula ngayong Enero hanggang Marso. Silang mga naaprobahan na bago ang suspensiyon ay makaaayat pa rin ng Baguio pero hintay-hintay muna kayo kung kailan.
Kung susuriin, ang hakbangin ng Baguio City government ay para na rin sa lahat — lalo sa mga mamamayan ng lungsod – maiwasan ang pagpasok ng Omicron at masawata ang pagkalat.
Nice move Mayor Magalong, ganoon din sana ang gawin sa buong bansa, isara na muna pansamantala ang mga pasukan at lagusan. No travelers muna tulad ng ginawa ng ibang bansa.
Sa kabila ng pagsasara sa mga turista, mayroon pa rin masasayang negosyante sa lungsod. Hindi kasi ipinasasara ang kanilang mga negosyo o hindi man lang sinasalakay o hinuhuli ng Baguio City Police sa kabila na ilegal ang kanilang mga negosyo. Tinutukoy natin ang mga nananatiling abot-tenga ang mga ngiti ay ang mga local gambling lord ng lungsod. Mga nagpapatakbo ng ilegal na sugal. Yes, sarado ang Baguio sa mga bakasyonista pero open na open pa rin ang mga pasugalan sa Baguio City para sa lokal na mananaya.
Pero gaano kaya katotoo na tuloy na tuloy pa rin ang operasyon ng mga pasugalan kahit na masasabing isa ito sa mitsa ng pagkakalat ng virus?
Ayon sa info, tuloy pa rin ang mga palarong drop ball ni alyas Nestor sa Kayang St., na wala pang kalahating kilometro ang layo sa tanggapan ng BC Police Office maging sa PCP na nasa Kayang St., din. Ang lugar na pinupuwestohan ni alyas Nestor ay ‘nabili’ na niya yata dahil wala nang ibang makapupuwesto rito – tanging siya lang ang may karapatan.
Si alyas Toyoy naman ang hari ng Plaza – magsara na ang lahat sa Baguio para sa mga turista pero, mananatili pa rin ang drop ball ni Toyoy sa Plaza. Ano? Totoo ba ito? Nagtatanong lang po tayo ha!
Habang ang Magsaysay Avenue, teritoryo naman ito nina alyas Edsa at alyas Jimmy – drop ball din ang palaro ng ‘magpakner.’ At ang hindi magpapatalo siyempre, si alyas Patrick. Game na game ang kanyang mini-casino “montehan” sa Legarda Road – walking distance lang sa Baguio City Hall maging sa BC Police Office. Oo, lahat naman sa city proper ay walking distance. Hehehe sarap kasi maglakad-lakad sa Baguio dahil malamig.
O hayan, sarado pansamantala ang Baguio sa mga turista o bakasyonista pero…gaano katotoo na bukas at namamayagpag pa rin ang mga sugalan sa lungsod?
Bagamat, may kautusan si Mayor Magalong – noon pa na salakayin ang mga ito dahil ayaw niya ng mga ilegal na negosyo sa Baguio. Sinalakay naman ito ng pulisya pero…ano na!?