USAPING BAYAN
ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
ANG Salita ng Diyos nitong nagdaang Araw ng Linggo sa pamamagitan ni San Lukas (3:1-6) ay nagtuturo kung saan natin makikita ang Diyos at kung sino ang kanyang mga kasama’t pinagkakatiwalaan.
Pansinin na binanggit sa mga talatang ito sina Emperador na si Tiberius Caesar ng Roma, ang Gobernador ng Judea na si Pontio Pilato, ang mga Lokal na Hari at magkakamag-anak na sina Herod, Philip, at Lysanias; at mga makapangyarihang pari na sina Annas and Caiphas subalit wala ni isa sa kanila ang kalipikado’t pinagkatiwalaan ng Diyos na magsiwalat ng kanyang Mabuting Balita. Bagkus, isang nagngangalang Juan na anak ng isang nagngangalang Zacario mula sa Disyerto ang pinili para sa gawaing ito.
Hindi ang mga makapangyarihan, mayayaman, kilala sa mundo o nakatira sa mga maiingay at magagarang lungsod kundi isang walang sinabi o titulo, hindi kilala dahil kabilang sa latak ng lipunan at nakatira lamang sa tahimik na ilang ang pinagkatiwalaan ng Diyos para maghatid ng kanyang Mabuting Balita.
Malinaw na si Juan lamang ang nakaririnig sa tinig ng Diyos dahil sa katahimikan ng kanyang pinaninirahan at dahil sa kanyang kinalakihang kalalagayan sa lipunan ay likas na sa kanya ang pagiging masunurin kaya siya ang tamang tao para maghatid ng Magandang Balita ng Diyos, isang karangalang higit pa sa pinagsama-samang titulo ng mga bigatin noon.
Naidiin din sa mga talatang ito na ang Diyos ay wala sa kinang at ingay ng mundo. Siya ay naandon sa katahimikan ng ilang o kinalimutang lupalop kung saan ang tanging liwanag ay ang silahis ng Haring Araw at ang mapusyaw na sinag ng buwan.
Hindi ba’t kaya kung tayo ay nagre-retreat o lumalayo sa mundo para makita ang ating sarili’t makipag-ugnay sa Diyos tuwing Semana Santa o Mahal na Araw, tayo ay pumupunta sa mga tinatawag na retreat house o bahay dalanginan kung saan tahimik at walang nakagagambalang ingay o artipisyal na liwanag?
Walang halaga para sa Diyos ang titulo at yaman ng mundo. Ang mahalaga para sa kanya, ayon sa katuruan, ay ang pagiging marunong makinig sa gitna ng katahimikan at ang pagiging masunurin sa kanyang mga salita sa kabila ng ating munting karunungan.
Amen.