ARESTADO ang lider ng isang pinaniniwalaang kulto sa bayan ng Asturias, lalawigan ng Cebu dahil sa akusasyong panggagahasa sa dalawa niyang miyembro.
Ayon sa mga ahente ng National Bureau of Investigation-Central Visayas (NBI 7), sinampahan ng dalawang bilang ng kasong rape ang suspek na kinilalang si Tedorico Feriol, kilala bilang Brod Doring, Tatay, at Master sa kanilang organisasyon.
Ayon kay Agapito Gierran ng NBI 7, nagtungo sa kanilang tanggapan ang dalawang biktima upang magsumbogn sa naganap na pang-aabuso sa kanila.
Nabatid na ang mga biktima ni Feriol ay isang 17 at 32 anyos, kapwa miyembro ng kanyang kulto.
Ayon sa menor de edad na biktima, dinala siya ng kanyang ina sa suspek upang magamot ang matagal na niyang karamdaman.
Sinabi umano ng suspek sa mga magulang ng biktima na kailangang maiwan sa kanyang bahay ang kanilang anak upang tuluyang gumaling kung kalian naganap ang pang-aabuso.
Napag-alaman sa imbestigasyon, bukod sa dalawang nagreklamong biktima, may ilan pang mga babae ang inabuso ng pekeng manggagamot.
Ani Gierran, nagpanggap na ‘faith healer’ ang suspek upang maakit at kalaunan ay molestiyahin ang mga babaeng nagtutungo sa kanya upang magpagamot.