LIMANG tulak ng shabu ang arestado sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa mga lungsod ng Malabon at Valenzuela.
Bata sa ulat ni P/Cpl. Pamela Joy Catalla kay Valenzuela City Police chief, Col. Ramchrisen Haveria, Jr., dakong 9:00 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo ng buy bust operation sa Block 4, C. Molina St., Brgy. Veinte Reales.
Agad sinunggaban ng mga operatiba ang suspek na kinilalang si Rodolfo Hubilla, alyas Rudy, 49 anyos, Christopher Toleda, 45 anyos, obrero, at Angelo Aquino, alyas Kambal, 28 anyos, matapos bentahan ng P500 halaga ng droga ang isang police poseur-buyer.
Nakompiska sa mga suspek ang tinatayang pitong gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P47,600, buy bust money, P500 cash, tatlong cellphones, at coin purse.
Sa Malabon, natimbog ng mga operatiba ng SDEU ng Malabon police sa pangunguna ni P/Lt. Alexander Dela Cruz sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Albert Barot sa buy bust operation sa Gen. Luna, Brgy. San Agustin dakong 10:15 pm, ang mga suspek na kinilalang si Jerico Balmoris, alyas Juancho, 39 anyos, at Jesus Rontos, alyas Jessie, 40 anyos, parehong pusher sa nasabing lugar.
Nakuha sa mga suspek ang tinatayang nasa anim na gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price P40,800 at P500 buy bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ROMMEL SALES)