BAKAS
ni Kokoy Alano
MARAMI ang nagtatanong kung bakit napakalakas ng loob nitong si Yorme Isko Moreno na tumakbo bilang Presidente gayong hindi pa nga nakatatawid sa unang termino ng kaniyang pagiging mayor ng Maynila. May mga espekulasyon na umano’y hindi naman totoong kalaban ng administrasyong Duterte dahil isa siya sa naging appointee ni Pres. Duterte bilang undersecretary ng DSWD bago tumakbo bilang alkalde ng Maynila.
Naging magkaalyado din sina Yorme Isko at dating Pres. Erap Estrada nang tumakbong Mayor at Vice Mayor ng Maynila pero naging magkalaban sila noong 2019 local election kaya anong nakapagtataka kung maging magkalaban si Yorme Isko at partido ni Pres. Digong sa eleksiyon? E, ganyan naman talaga ang poulitika… may iba pa ba?
Dahil sa maraming sumusuporta ngayon kay Yorme Isko na kilalang malalaking negosyante at politiko na bumabakas sa panahon ng eleksiyon, nakapag-iisip tuloy ang mga antigong supporters ni Yorme Isko na baka mangyaring magka–amnesiya din siya pagkatapos ng eleksiyon at madengoy lang sila. Madalas kasing gano’n ang nangyayari, ‘di ba?
Hindi pa nakabubuo ng senatorial slate ang partido ni Yorme Isko pero nakakaramdam na ang mga political observers na dadagsa ang aplikante dito sa mga susunod na araw kapag nagpatuloy ang pamamayagpag ng partido ni Yorme Isko dahil malakas talaga ang hatak nito sa NCR na malaking bagay sa isang senatorial candidate
Nakapanlulumo lang pakinggan ang acceptance speech ni Doc. Willie Ong na maluwag daw naman niyang tatanggapin kung matatalo siya sa eleksiyon? Aba teka nga, aba’y umurong ka na kung mabigat ang loob mo sa pagtakbo at baka maging minus factor ka pa kay Yorme Isko! Ano ba ‘yan?