Saturday , December 21 2024
Balaraw ni Ba Ipe
Balaraw ni Ba Ipe

Krimen kontra sangkatauhan

BALARAW
ni Ba Ipe

CRIMES against humanity ang tawag sa Ingles. Ito ang krimen kontra mga sibilyan. Ito ang krimen ni Adolf Hitler at mga kapanalig sa Nazi Germany laban sa mga Hudyo. Ito ang krimen ni Slobodan Milosevic ng Serbia kontra sa mga Muslim na Bosniano at Albanyo. Hindi ito ordinaryong sakdal. Dinadala ito ngayon sa pandaigdigang hukuman – ang International Criminal Court (ICC).

Unang ginamit ang crimes against humanity bilang akusasyon sa unang Nuremberg Trials noong 1945 kung saan nilitis ng isang hukuman na binuo ng nanalong puwersang Allied ang mga pangunahing lider ng Nazi Germany dahil sa sistematikong pagpatay sa anim na milyong Hudyo noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Marami ang binitay dahil sa krimen na ito.

Naisip ng mga pangunahing manananggol sa international law na litisin ang mga lider ng Nazi Germany dahil sa kanilang mga krimen sa mga sibilyan, partikular ang mga Hudyo sa Europa na pinuksa sa utos ni Adolf Hitler. Bukod sa mga sibilyan na pinapatay, sinakop ng crimes against humanity ang mga taong biktima ng matinding torture, ginagawang alipin, ipinatapon sa ibang lugar (deportation), at isinailalim sa hindi makataong trato.

Hindi katulad ng ibang war crimes (krimen sa gera) ang crimes against humanity dahil maaari itong gawin sa panahon ng katahimikan at sibilyan ang biktima.

Ginamit ito sa pag-usig at paglitis ng International Criminal Tribunal for Yugoslavia (ICTY) kay Slobodan Milosevic, ang presidente ng Serbia na pumuksa at nagtaboy sa mga Albanyo sa Kosova, isang bahagi ng nabuwag na Yugoslavia. Nilitis si Milosevic mula 2002 at natapos ito nang namatay siya sa atake sa puso sa kulungan noong 2006.

Dahil sa mga karanasan sa Nazi Germany at Yugoslavia, binuo ng maraming bansa ang Rome Statute, ang tratado na nagsilang noong 2002 sa International Criminal Court (ICC), ang pandaigdigang hukuman na lumilitis sa mga lider ng bansa na isinakdal ng crimes against humanity.

Kasapi ang Filipinas sa Rome Statute, ngunit binawi ito ni Rodrigo Duterte noong ika-19 ng Marso 2019 nang akusahan siya nina Sonny Trillanes at Gary Alejano ng crimes against humanity noong 2017 dahil sa madugo ngunit bigong digmaan kontra droga.

***

LABIS na kinakatakutan ni Rodrigo Duterte ang sakdal na crimes against humanity na iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano noong 2017 sa ICC laban sa kanya, kina Jose Calida, Bato dela Rosa, Alan Peter Cayetano, Dick Gordon, Vitaliano Aguirre at iba pa. Hindi kasi nila kontrolado ang ICC kung ihahambing sa mga lokal na isyu

Hindi nila maiimpluwensiyahan o mabibili ang ICC. Bukod diyan, Naisumite ng mga pamilya ng mga biktima ang maraming ebidensiya bago ipahayag ni Duterte na hindi nila papasukin ang mga imbestigador ng ICC.

Pawang palakas loob lamang ang mga pahayag ni Harry Roque, tagapagsalita ni Duterte. Hindi batay sa katotohanan ang kanyang sinasabi sa publiko. Marami ang mga huwad na balita, o fake news. Sundan na lang natin ang mga pahayag ng ICC sa kanilang website imbes paniwalaan si Roque.

***

MARAPAT maunawaan ng mga kandidato sa halalang panguluhan sa 2022 na ang martsa ng kasaysayan ay tungo sa pagpapatatag ng ating sistemang demokrasya, pagpapalawak ng halagain ng karapatang pantao (human rights), pangangalaga sa mga bata (children’s welfare), at pagbabago sa klima (climate change). Diyan gumagalaw ang kasaysayan at sinomang lider ng daigdig na lumabag diyan ay nanganganib na itakwil at iwanan ng international community.

Alam ni Rodrigo Duterte ang mga halagain na iyan. Alam niya sapagkat isinuka siya sa world community. Hindi siya iginagalang; pinagtatawanan siya; at iniiwasan tulad ng mga may sakit na ketong. Itong ang halagain ngayon ng mundo at dapat maintindihan ito ng mga kandidato sa susunod na halalan. Walang duda at pasubali.

***

HINDI talaga mauunawaan ng marami sa puwersang demokratiko kung bakit pinipilit ni Leni Robredo na dalhin sa hanay ng oposisyon sina Mane Pacquiao at Isko Moreno. Hindi naman talaga oposisyon ang mga iyon. Pumoposisyon lang. Nakasusuka ang uri ang kanilang politika.

Hindi komonsulta si Leni sa hanay ng puwersang demokratiko. Basta dinala na lang sina Mane at Isko. Mukhang hindi naman siya kinakagat ng dalawa sa kanyang nais na magkaroon ng nagkakaisang puwersa ng oposisyon. Hindi siya ang diyosa ng oposisyon upang yumukod ang lahat sa hanay ng oposisyon.

Hindi tumayo si Mane at Isko sa usapin ng malawakang patayan, o EJKs. Sinuportahan pa nga nila pareho si Duterte. Sa maikli, mas mukhang bataan sila ni Duterte.

***

QUOTE UNQUOTE: “Medyo sad naman ako ng marinig ko kay VP Leni na tatakbo siya pag tatakbo si BBM. Pride lang ba ang labanan dito. ‘Di ba dapat tatakbo ka dahil gusto mong bigyan ng hustisya iyong mga pinatay ni Duterte. Napapailing na lang ako.” – Betty O’Hara, netizen

“Iyong mga lider na taga-Mindanao, iisa lang ang diskarte: Lahat idinaraan sa takutan. Mapanuwag ngunit bano. Bully but crude.” – PL, netizen

“The reason Sonny Trillanes and Gary Alejano have filed the crime against humanity charges against Rodrigo Duterte et. al. before the ICC is because the PHL criminal justice system has failed. This is the fundamental premise that the ICC has entertained the charges and has given way to request by the ICC Chief Prosecutor to initiate formal investigation. Had our local criminal justice system worked, the ICC could have just dismissed the charges of Trillanes and Alejano. This is something which the limited brain power of [Bato dela Rosa] could not understand.” – PL, netizen

About Ba Ipe

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *