BALARAW
ni Ba Ipe
WALANG silbi ang mga batas kontra droga sa ilalim ng gobyerno ni Rodrigo Duterte. Ito ang dahilan kung bakit nagsumite noong 2017 ng sakdal na crimes against humanity sina Sonny Trillanes at Gary Alejano ng Samahang Magdalo sa International Criminal Court (ICC). Baog ang mga batas – hindi magamit, hindi pinapansin, at halos walang bisa pagdating sa usapin ng ilegal na droga.
Isa lang ang solusyon ni Duterte sa isyu – patayin ang lahat ng pinaghihinalaang sangkot sa droga. Pusher, adik, at kahit sino pa. Nawalan ng ngipin ang batas kontra ilegal na droga sa bansa. Tanging ang salita at utos ni Duterte ang batas.
Walang magawa ang sambayanan sa isyu ng extrajudicial killings (EJKs). Nasa tuktok ng kapangyarihan si Duterte. Walang makapigil sa kanyang mga maitim na utos. Inutil ang mga hukuman. Pulis ang mga sangkot sa walang habas na pamamaslang.
Salamat at naisip ni Trillanes at Alejano na dalhin ang usapin sa ICC. Kahit hindi sila tinulungan ng kapwa mambabatas na kabilang sa oposisyon, sumulong ang sakdal at naging defensive sina Duterte. Natalian sa kamay sina Duterte at nabawasan ang mga EJK.
Wala sa katwiran si Harry Roque nang kanyang ipagmagaling na hindi susulong ang pormal na imbestigasyon ng ICC sa kaso laban kay Duterte at mga kasapakat. May remedyong legal kaya hindi totoo ang sakdal nina Trillanes at Alejano.
Sa ilalim ng Rome Statute, ang tratado na bumuo sa ICC, susulong ang mga asunto laban sa mga lider ng isang bansa kung bumagsak na ang sistema kontra kriminal at walang magawa upang ihabla ang mga taong nasa likod ng mga patayan sa bansang iyon. Hindi makikialam ang ICC kung gumagana ang mga batas kontra droga.
Pinanindigan nina Trillanes at Alejano sa kanilang sakdal na hindi na gumagana ang mga batas kontra droga at sistemang legal sa bansa. Basta pinapatay ang pinaghihinalaan. Ito ang shortcut na paraan ni Duterte at hindi niya ito ipinagkakaila sa madla.
Pinaniwalaan ng ICC ang kanilang alegasyon. Isa ito sa mga batayan kung bakit inirekomenda ni Fatou Bensouda, dating hepe ng Office of the Prosecutor ng ICC, ang masusing pormal na pagsisiyasat kay Duterte at mga kasama.
Sa kanyang ulat noong Hunyo bago siya nagretiro, sinabi ni Bensouda na halos iisa ang dahilan ng mga pulis tungkol sa mga napatay: “Nanlaban.” Binanggit ni Bensouda na imposibleng palagi na lang lumalaban ang mga biktika samantalang wala ipinakitang mga katibayan ng anomang panlalaban, aniya.
Ano ang mangyayari sa sakdal?
Maaaring umpisahan ng ICC sa Setyembre o Oktubre ang pormal na imbestigasyon. Nasa Pre-Trial Chamber ang sakdal at maaaring lumabas ang utos ng hukuman upang simulan na ang pagsisiyasat. Inaasahan na pagtutuunan ng pandaigdigang atensiyon ang pagsisiyasat dahil may reputasyon si Duterte sa kanyang pagiging mamamatay-tao.
Maaaring lumabas ang order ng hukuman na dakpin si Duterte at mga kasama at ikulong sa piitan ng ICC sa The Hague, Netherlands. Maraming puwedeng mangyari sa mga susunod na araw. Abangan at matyagan mabuti ang proseso ng ICC.
Hindi basta mahahawakan ni Duterte ang ICC.
***
KORUPSIYON ang pinakamadaling isyu para sa mga botante. Pinakamadaling maunawaan ito ng mga botante. Kaya huwag magtaka kung ang bawat kandidato ay nagsasalita kontra korupsiyon. Lahat ay instant expert sa korupsiyon.
Kaya tuwing halalan, maraming sinasabi ang mga politiko pagdating sa usapin ng korupsiyon. Hindi kaya ito lang ang alam nila?
***
MATINDI ang kumakalat na balita sa social media tungkol sa mga tao na nasa likod ng Pharmally Pharmaceutical na nakakuha ng P8.5 bilyong kontrata sa gobyerno kahit wala pang isang milyon ang paid-up capital. Pero nakapagtataka na itinuturo ang kompanyang Taiwan gayong China ang koneksiyon ni Duterte, Bong Go, at Francisco Duque III.
Nagtatanong lang.