KRITIKAL ang kalagayan sa pagamutan ang isang 19-anyos lalaki nang patraidor na pinalo ng matigas na bagay sa ulo at saksakin sa likurang bahagi ng katawan ng dalawang menor de edad sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Patuloy na inoobserbahan sa Caloocan City Medical Center (CCMC) ang biktimang kinilalang si Ericson Atamosa, residente sa Tahong Alley, Brgy. 20, Caloocan City, matapos isailalim sa mga pagsusuri sanhi ng mga mga sugat sa likod, ulo, at balikat.
Nagsasagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ni Malabon City chief of police Col. Albert Barot laban sa dalawang menor de edad na suspek, ang isa ay kinilala sa alyas Adeng, 16 anyos at residente sa Brgy. Longos, Malabon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jose Romeo Germinal II, dakong 11:00 pm, naglalakad pauwi ang biktima, kasabay ng dalawa pang kaibigan, nang biglang sumulpot sa kanyang likuran ang dalawang kabataang suspek pagsapit sa tapat ng Longos Public Market.
Biglang hinataw sa ulo at balikat ng isa sa suspek si Atamosa, habang bumunot ng patalim ang isa pa at inundayan ng saksak sa likod bago mabilis na tumakas nang duguang humandusay ang biktima.
Inaalam ng pulisya kung ano ang motibo ng patraidor na pagsalakay ng dalawang menor de edad na suspek sa biktima.
(ROMMEL SALES)