AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SIMULA nang manalanta ang CoVid-19 sa bansa, biglang napansin ang kabayanihan ng frontliners na medical workers gaya ng doktor, nurse, at iba pang tulad nila na naglilingkod sa ospital kabilang ang mga empleyado.
Kinilala ang kanilang kabayanihan at pakikipaglaban sa CoVid-19 dahil sa pagbubuwis ng kanilang buhay para pangalagaan ang mga pasyenteng biktima ng virus.
Katunayan, marami ang namatay sa medical frontliners natin – namatay nang mahawaan ng virus sa pangangalaga ng mga pasyente.
Hindi maikaila ang pagbubuwis buhay ng medical workers ngayon pandemya – marami nang nagkasakit at namatay sa kanilang hanay. Bukod dito, ‘ginutom’ o pinahirapan rin sila ng gobyerno partikular ang mga nurse sa hindi pagbibigay ng sapat na benepisyo. Kung hindi pa nga ibinuhos ang sama ng loob nila sa social media at sa mainstream media ng grupo ng mga nurse sa bansa ay hindi aaksiyonan ng Department of Health (DOH) ang kanilang karaingan.
Heto nga e, sa lalawigan ng Quezon, sa kabila ng ipinamalas na kabayanihan ng frontliners – health workers sa particular, maging ng mga kawani ng provincial government ay dumaraing dahil sa kapos na benepisyo para sa kanila.
Kapos ba sa budget? Paano nangyari iyon e, all eyes ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan ngayon sa medical workers kaya prayoridad sila ngayon.
Napaulat kasi na binawasan ang allotted budget para sa kanila at inilipat sa mga pang-impraestrukturang proyekto.
Ha! Totoo ba ito? Kawawang frontliners! Buwis buhay na nga sila pagkatapos…
Natuklasan ng provincial board members o mga bokal, ang sinasabibg fund transfer sa isinagawa nilang pagbusisi sa budget ng lalawigan.
Akalain ninyo, ang pondong nakalaan para sa health workers ay inilipat sa mga kaduda-dudang infrastructure project. Isa sa proyekto ay basketball courts. Ha! Ano!? Basketball court sa panahon ng pandemic!? Mabuti sana kung pagpapatayo man lang ng bagong ospital o magarang quarters para sa health workers o pabahay sana. O ‘di ba mas okey sana?
Halagang P200-M hanggang P300-M ang kinukuwestiyon ng mga bokal kay Quezon Gov. Danny Suarez kung bakit hindi naging espesipiko ang lider
sa paglalaan sa nabanggit na budget, samantala, malinaw sa direktiba ng DILG na ang lahat ay nararapat na maging malinaw.
But wait… there’s more!
Natuklasan din ng mga bokal ang problema sa pagpapasuweldo sa mga kawani ng kapitolyo gayong re-enacted ang budget.
Aba’y kung totoo ang mga natuklasan, sinong nakinabang sa pondo o nasaan napunta ang milyon-milyong piso? Hindi naman puwedeng kinain ng mga daga sa Kapitolyo.
Paano na ang health workers na mga bayani sa panahon ngayon, maging ang mga kawani ng Kapitolyo? Paano na rin ang pagbili sa mga kagamitan para sa pakikipaglaban sa CoVid sa lalawigan? Hindi puwedeng maging bula na lang ang pondo at sa halip ay dapat malinawan ang lahat. Basketball courts ngayon panahon ng pandemya? Totoo ba ito Gov. Suarez?
Wala kayang bulsang nakinabang sa pondo? Nagtatanong lang po at hindi nag-aakusa.
Anyway, bayani kung maituring ngayon ang health workers pero sana naman ay kung ano ang para sa kanila – pondo para sa pandemic na nararapat, ay gamitin kung saan nakalaan.