BALARAW
ni Ba Ipe
HINDI dapat alipin ang puwersang demokratiko sa paghihintay sa desisyon ni Leni Robredo kung tatakbo o hindi sa panguluhan sa 2022. Hindi dapat pinaasa ang mga kakampi sa kanyang desisyon. Hindi dapat maging batayan ng kapalaran ng oposisyon ang kanyang desisyon kung tatakbo o hindi. Hindi si Leni Robredo ang oposisyon.
Ano ang malaking kasalanan ng oposisyon at kailangan maghintay at ibatay sa desisyon ni Leni ang kanilang kapalaran sa hinaharap? Walang ginawang masama ang oposisyon kay Leni kahit na pinabayaan niya na humina at malumpo ito sa nakalipas na limang taon dahil sa kapabayaan at kakulangan ng plano at istratehiya para lumakas. Hindi totoo na si Leni Robredo ang pag-asa ng oposisyon.
Hindi nakatulong si Kiko Pangilinan, pangulo ng Liberal Party, o Liberal Bagal, nang sabihin niya na “maghintay” kay Leni na magdeklara ng kanyang kandidatura para pangulo sa halalan sa 2022. Paano niya nasabi na magdedeklara si Leni habang walang nakikitang kahit anong plano at paghahanda sa panig ng kampo ni Leni? Kailan magdeklara? Sa batayan pa lang, may problema na si Kiko.
Mabuti na at iniisip ng ibang puwersa na hindi kabilang sa Liberal Bagal na magbuklod-buklod sa ilalim ng koalisyong 1Sambayan. Magkaiba ang 1Sambayan at Liberal Party. Kredito sa mga convenor ng 1Sambayan na pagsamahin ang mga alagad ng oposisyon sa ilalim ng ibang bubong maliban sa Liberal Bagal. Maigi at nakita ng mga convenor ng 1Sambayan na hindi naghahanda ang Liberal Bagal sa 2022. Kung wala ang 1Sambayan at umasa sa Liberal Bagal, hindi natin alam kung anong kapalaran ang naghihintay sa ating bansa.
“Passive politics has no strategic value” – isa ito sa aking post sa social media. Hindi istratehiya ang paasahin ang kakampi. Hindi kailangan ang magdeklara pero mas maigi na magbitiw ng kahit isang pahiwatig si Leni. Basta nanahimik at nagagalit kapag may mga kumontra sa kanya. Maramdamin at matampuhin si Leni. Hindi pwede ang ganitong ugali sa daigdig ng pulitika.
Kung hindi siya kumporme na magdeklara sa publiko na kanyang plano sa 2022, magbigay si Leni Robredo ng isang makahulugang kindat na nagsasabing tuloy siya sa 2022. Ngunit pinungayan lang ng mata ang puwersang demokratiko ng bansa.
Naaalala namin ang sinabi ni Barack Obama sa kampanya noong halalan pampanguluhan ng 2008 sa Estados Unidos: “Politics is a contact sports.” Kung ayaw ng isang pulitiko na mabakbakan sa kampanya, maglaro na lang siya ng mahjong.
***
WALANG paghahanda ang Liberal Bagal, partikular ang kampo ni Leni, sa halalan sa 2022. Wala silang plano, programa, estratehiya at taktika sa kampanya. Nagmalaki si Leni na hindi siya handa. Hindi namin maintindihan ito dahil hindi ang Liberal Bagal ang naghaharing lapian. Malaki ang inihina sa nakaraang limang taon dahil sumama ang maraming kasapi sa naghaharing koalisyon ni Rodrigo Duterte sapagkat nandoon ang biyaya.
Walang programa ang Liberal Bagal na mangalap ng mga bagong kasapi na maaaring ipalit sa mga nangawala. Kulang sa “warm bodies” ang partido upang bigyan ng magandang laban ang puwersa ng kasamaan sa ating bansa. Nasa puwersa ng Inferior Davao ang Comelec, burukrasya at kaban ng bayan. Habang babagal-babagal ang Liberal Bagal sa pagdedesisyon.
Wala fund raising ang Liberal Party. Walang nabalitang paraan upang makalikom ng sapat na halaga upang gamitin sa kampanya. Paano kung kampanya ni Leni kung walang pera? O sadyang hindi nangangalap ng pondo dahil hindi talaga tatakbo? Kaya kumbinsido kami na hindi tatakbo si Leni Robredo.
Kaya kausap ni Kiko si Mane Pacquiao dahil mukhang may plano sila ng makipag-alyansa sa paksyon ni Mane sa PDP-Laban. Kung magsama ang PDP Laban paksyon ni Mane sa Liberal Bagal, hind namin nakikita na si Leni ang kandidato sa panguluhan at bise presidente si Mane. Sa laki ng ego ni Mane, hindi papayag ang boksingero na magpailalim sa babae. Mas mataas sa survey si Mane kesa kay Leni.
***
MALUWAG ang turnilyo ni Kiko Pangilinan nang sabihin niya noong Sabado na hindi bago kay Leni Robredo ang manggaling sa ibaba. Binanggit niya ang nangyari noong 2016 nang manalo si Robredo kahit na nag-umpisa siya sa rating na isang porsyento sa mga survey noon. Kapag humataw sa kampanya, biglang aangat si Leni, ito ang katwiran ni Kiko. Totoo ang mga detalye niya ngunit may mga detalye na hindi niya binanggit.
Hindi alam ni Kiko ang kanyang sinasabi. Marami siyang hindi sinabi. Una, nasa poder ang Liberal Party nang piliin si Leni bilang katambal ni Mar Roxas sa halalan ng 2016. May malaking makinarya ang kanilang lapian. Mayroon itong sapat na salapi dahil pinondohan sila ng pamilya ni Mar Roxas. Nakisakay si Leni sa makinarya ng Liberal at salapi ng mga Araneta at Roxas.
Walang sa poder ang Liberal Party ngayon. Dahil wala sa poder, walang makinarya na lalaban sa mga alagad ng kasamaan ang Liberal Party tulad ng makinarya ng Hugpong at mga kaalyansang lapian at PDP-Laban ni Pons Cusi at Mane Pacquiao. Walang pamilya na Araneta at Roxas na malayang magbibigay ng pera kay Leni.
Umaasa lang si Kiko na mananalo at pinaasa ang mga kakampi. Sasama lang ang loob ng mga kaalyado dahil matatalo lang si Leni dahil sa kakulangan ng paghahanda.