Walang hatak
BALARAW
ni Ba Ipe
MARAMING netizen na kabilang sa hanay ng puwersang demokratiko ng bansa ang hindi natuwa nang hindi humatak ang pagkamatay ni Benigno “Noynoy” Aquino III upang magmilagro kay Bise Presidente Leni Robredo sa halalang pampanguluhan sa 2022. Sa kanilang pakiwari, gagawa ng malaking “groundswell” ang pagkamatay ni Noynoy upang tangkilikin ang kandidatura ni Leni.
Hindi naulit kay Leni ngayong 2021 ang karanasan ni PNoy noong 2009. Nanatiling matamlay ang reaksiyon ng mga tao sa ikayayabong ng politika ni Leni. Wala ang biglang pagbulwak ng suporta kay Leni tulad ng nangyari kay PNoy noong namatay si Cory Aquino noong 2009. Sa maikli, walang hatak si Leni Robredo sa publiko.
Hindi makatarungan na ihambing ang sitwasyon ni PNoy noong mga panahon na namatay ang kanyang ina sa sitwasyon ngayon ni Leni. Magkaiba si Leni at PNoy na bagaman nahubog sa demokrasya ang kanilang mga kaisipan. Hindi namin kinakitaan ng pagiging bantulot pagdating sa desisyon si PNoy.
Nang dumating ang panahon na kailangan magharap ng sakdal ang Filipinas sa Permanent Arbitration Commission ng United Nations Conference on the Law of the Sea (UNCLOS), hindi nag-atubili si PNoy. Nagdesisyon siya na ituloy ang sakdal sa pandaigdigang hukuman. Nanalo ang Filipinas at kredito kay PNoy ang panalo ng bansa.
Samantala, hindi kinakitaan ng tatag ng loob at tibay ng paniniwala si Leni pagdating sa pagdedesisyon sa kanyang magiging kapalaran sa politika. Hanggang ngayon, nakabitin ang desisyon kung tatakbo o hindi sa 2022. “Pakipot politics” ang tawag ng ibang nagmamatyag sa kanyang politika.
Kahit ang kanyang mga masugid na tagasuporta, o panatikong maka-Leni, ay pawang nakabitin sa kanyang desisyon. Paano kung hindi tumakbo? Iiwan niya ang oposisyon na nakatulala sa kanilang kapalaran? Hindi ito katangggap-tanggap at kapuri-puri sa hanay ng puwersang demokratiko ng bansa.
Hindi makatwiran ng magkaroon ng anumang biglaang pagbulwak ng suporta, o groundswell of support, sa kandidatura ni Leni Robredo hanggang wala siyang desisyon. Hanggang nakabitin ang publiko, hindi darating ang suporta. Huwag mangarap ng suporta, sa maikli ngunit madamdaming pangungusap.
Paano kung biglang magdesisyon si Leni na tumakbo sa panguluhan sa 2022? Sa amin, malaki ang kanyang pinalampas. Pinalampas niya ang kiliti ng sambayanan sa isang kandidatura na kanilang inaasam-asam. Kahit sabihin niya na seryoso siyang lalaban sa puwersa ng kadiliman sa bansa, hindi ang publiko. Mananatiling matamlay ang bayan sa kanya.
Hindi totoo ang ipinangangalandalandakan ng mga panatikong tagasuporta ni Leni na babatikusin siya kung magdedeklara na tatakbo siya sa 2022. Hindi namin sinabi na magdeklara kaagad; ang sinasabi namin ay magsabi kung lalaban o hindi. Kung takot siya sa batikos mula sa mga lehitimong kalaban at mga troll, mas maigi na huwag na siyang pumalaot sa politika, magretiro, at maglaro na lang ng madyong. Hindi para sa mga taong mahina ang dibdib at puso ang politika, lalo na sa atin na sobrang magulo.
Sa aming palagay, masyadong naiwan si Leni dahil sa kanyang hindi maintindihang pag-aatubili kung lalahok o hindi sa 2022. Nakapaghanda ang mga kalaban samantalang nagmukha siyang trumpong kangkarot ang pag-ikot dahil sa matinding pag-aalinlangan at kawalan ng tiwala sa sarili. Nakasira ang pakikipag-usap ni Kiko Pangilinan ng Liberal Party kay Mane Pacquiao at Isko Moreno. Alyansa ng LP sa puwersa nila?
“Magtiwala kay Leni,” ito ang sigaw ng marami sa kanilang mga panatikong tagasuporta. Mahirap ang pangungusap na nakabatay lang sa pagtitiwala. Wala kasing paliwanag sa aming hinagap. Basta ganoon lang?
***
MAY posibilidad ba na mahati ang naghaharing koalisyon at tumakbo nang sabay si Sara Duterte katambal si Mark Villar at Bong Go katambal ang kanyang ama na si Rodrigo? Hindi malayong mangyari ito sapagkat mukhang umiinit ang relasyon ng mag-ama. Gustong maglayag ng anak dahil labis ang tiwala sa sarili. May alyansa ang kanyang Hugpong ng Pagkakaisa sa mga tradisyonal na lapian ng bansa.
Paano kaya kung tumakbo nang sabay si Sara at Bong Go sa ilalim ng dalawang magkahiwalay na lapian? Malaking gulo ito at masasabi na hindi magtatagumpay sinuman sa kanila. Replay ito ng nangyari noong 2016 nang maghiwalay si Mar Roxas at Grace Poe.