Sunday , December 22 2024
Balaraw ni Ba Ipe
Balaraw ni Ba Ipe

Lusot sa ICC

BALARAW
ni Ba Ipe
ISA lang ang lusot sa International Criminal Court (ICC): Ititigil ang imbestigasyon sa madugo ngunit bigong digma kontra droga ng administrasyong Duterte kung mapapatunayan na tumatakbo nang maayos ang sistemang legal ng Filipinas at dinadala sa hustisya ang mga maysala at pinaparusahan.
Kung hindi mapapatunayan ng sinumang Herodes sa gobyernong Duterte na kontrolado nila ang gobyerno at umaandar ang hustisya, tuloy-tuloy ang imbestigasyon batay sa rekomendasyon ng nagretirong Fatou Bensouda, ang hepe ng Office of the Prosecutor ng ICC. Sa kanyang final report isang araw bago siya nagretiro noong 15 Hunyo ng taong ito, sinabi ni Bensouda, may sapat na batayan upang paniwalaan ang malawakang patayan sa Filipinas.
Iniharap noong 2017 ni Sonny Trillanes at Gary Alejano ng Samahang Magdalo ang sakdal na crimes against humanity laban kay Rodrigo Duterte at mga kasapakat na sina Dick Gordon, Bato dela Rosa, Alan Peter Cayetano, Jose Calida at iba pa dahil sa walang patumanggang patayan, o extrajudicial killings (EJKs) na umabot sa pagitan ng 16,000 hanggang 30,000 noong 2016 hanggang 2019, ang taon na tumiwalag ang Filipinas sa ICC.
Ginamit ni Sal Panelo, tagapayo ni Duterte sa mga usaping legal, ang katwiran na kontrolado ni Duterte ang gobyerno at ‘dindala sa hustisya’ ang mga salarin sa EJKs. Kilala si Panelo sa baluktot na katwiran kaya hindi siya sineseryoso ng sambayanan.
Bagaman inilahad ni Panelo ang ganyang katwiran, wala siyang maipakitang katibayan maliban sa mga naparusahang pulis na mababa ang ranggo at sangkot sa pagkamatay ni Kian delos Santos, ang tinedyer na pinatay dahil sa maling akala na sangkot siya sa droga.
Saksakan ng dami ang nangyaring patayan kaugnay sa “Oplan Tokhang” ni Duterte, ngunit walang masusing pagsisiyasat at walang naparusahan. Ayon sa Bensouda Final Report, may sapat na batayan upang maniwala, na si Duterte ang nag-utos ng mga patayan at bahagi ito ng polisiya ng estado sa ilalim ni Duterte.
Binanggit ng Bensouda Final Report na sinusunod si Duterte ng mga pulis at asset na sangkot sa malawakang patayan. Karaniwan na katwiran ng mga pulis na ‘nanlaban’ ang mga pinaslang na pinaghinalaang sangkot sa ilegal na droga.
Bukod kay Panelo, tumutulong si Harry Roque sa pagpapalusot kay Duterte. Minsan niyang sinabi na “legally erroneous” (mali sa sistemang legal) at “politically motivated” ang sakdal nina Trillanes kay Duterte. Hindi nagbigay ng paliwanag si Roque na kilala sa pagbibigay ng fake news sa sambayanan.
Dumaan sa matinding panganib sina Trillanes nang isampa nila ang habla na crimes against humanity laban kay Duterte at mga kasapakat noong 2017 sa ICC. Kasagsagan ng mga patayan noong panahong iyon. Nasa rurok ng kapangyarihan si Duterte at totoong walang kumontra sa tila nababaliw na Presidente.
Inamin ni Trillanes na nagbabala kahit ang kanyang mga kasama sa oposisyon sa maaaring masamang mangyari sa kanya. Tinangka ni Duterte at Calida na ipawalang bisa ang amnestiya na ibinigay ni Noynoy Aquino sa kanya, ngunit pawang nabigo sila nang hindi katigan ng hukuman ang kanilang gawain. Hindi nila naipakulong si Trillanes kahit ano pa ang kanilang gawin dahil lumaban ang dating senador sa kanilang plano.
Nagbabala si Roque, ang bumaligtad na manananggol ng karapatang pantao na naging ‘human wrong,’ na panghihimasok sa suliraning panloob ng Filipinas ang desisyon ng ICC at may sariling “soberanya” umano ang Filipino.
Maraming netizen ang nagalit sa baluktot na katwiran ni Roque sapagkat hindi nila narinig ang salitang “soberanya” nang pasukin ng China ang West Philippine Sea, kamkamin ang ilang isla at bahagi, at nagtayo ng base militar doon. Alam ng maraming mamamayan na labis na pinapaboran ni Duterte ang China kahit magmukha siyang alipin ng nasabing bansa.
Ikinatwiran ni Roque na ‘haka-haka’ o ‘tsismis’ ang mga inilabas sa 57-pahinang Bensouda Final Report. Pinagtawanan si Roque dahil parang panlibangan ang dating ng kanyang katwiran sa ulat. Samantala, minura ni Duterte sa kanyang lingguhang pagharap sa TV noong Lunes ng gabi ang ICC at ang mga mahistrado doon.
Walang bago sa kanyang pagmumura. Maaasahan na itutuluyan siya sa ICC at hindi bibiruin. Hindi bago sa Filipinas si Karim Khan, ang pumalit kay Bensouda. Kabisado ni Khan ang Filipinas dahil ilang beses siyang nagbigay ng lecture sa mga abogado rito. Hindi siya maihahambing kay Bensouda na hindi nakapunta sa Filipinas.
Mukhang may sariling network si Khan sa Filipinas. Ito ang tutulong sa kanya upang usigin si Duterte at mga kasapakat. Matutuluyan si Duterte at maaasahan iyan.
 

About Ba Ipe

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *