
Riot nabigo sa nabistong molotov bomb ng 2 kabataan
BIGO ang dalawang hinihinalang miyembro ng isang gang sa planong riot ng mga kabataang lalaki makaraang madakip, kabilang ang isang menor-de-edad, habang bitbit ang dalawang molotov bomb sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon City Police Chief P/Col. Albert Barot ang suspek na si Jimmy Boy Villena, 20 anyos, habang hindi naman pinangalanan ang 17-anyos niyang kasama, kapwa residente sa Dulong Bronze, Brgy. Tugatog.
Isinailalim sa swab test ang menor-de-edad na suspek bago dalhin sa Bahay Pag-asa sa Brgy. Longos, na pinagdadalhan ang mga children in conflict with the law (CICL) para sa kalinga at gabay upang maituwid ang direksiyon ng buhay.
Batay sa pinagsamang ulat nina P/MSgt. Julius Mabasa at P/SSgt. Mardelio Osting, dakong 12:00 am, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2, namataan nila ang mga suspek na naglalakad sa kanto ng M.H. Del Pilar at Basilio St., na malinaw na paglabag sa curfew hour.
Dahil madalas mangyari ang riot ng mga kabataan sa naturang lugar na madalas maganap sa dis-oras ng gabi kaya’t iniutos ni Col. Barot ang regular na pagpapatrolya ng pulisya sa lugar.
Nang kapkapan ng mga pulis ang dalawa, nakuha sa kanila ang dalawang improvised molotov coctail bomb na karaniwang ginagamit ng mga kabataan sa pakikipag-riot sa kalabang gang.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9516 o possession of Molotov cocktail bomb ang mga nadakip na suspek sa piskalya ng Malabon. (ROMMEL SALES)