Sunday , December 22 2024
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman

Hari ng estafa

HINDI ako nagulat nang tawagin ni Rodrigo Duterte na ‘estupido’ ang naniwala sa sinabi niyang mag-jetski siya sa Scarborough Shoal at magtirik ng bandila ng Filipinas doon upang igiit na atin iyon at ipakita ang ating kasarinlan. Sinabi niya na “biro lang iyon.”
Dahil ako’y patas mag-isip, at walang masamang tinapay sa kaninuman, bigla akong nalungkot dahil marami ang naniwala kay Duterte. Lalo akong nalungkot dahil kahit hindi naniwala, pero ibinoto pa rin siya.
Bahagi ng ating politika ang pangako mula’t sapol. Isang paraan ito para kumuha ng boto at maluklok sa puwesto. Nagbibida ang mga kandidato ng kanilang katangian. Minsan, mistulang maamong kuting na nagpapa-cute para akitin ang mga botante. Madalas, nangangako ang kandidato na itaga sa bato, gagawin niya ang ilang hakbang kapag manalo. Sa maraming pagkakataon, ang pangako ay naglalaho kapag ang kandidato ay naluklok sa puwesto.
Ang ngiti ay napalitan ng simangot at askad ng ugali. Ang pa-cute na kuting ay naging mabangis na tigre at kulang na lang sakmalin sa leeg ang pobreng nagbabayad ng buwis na kinukuhaan ng pangsuweldo kay Muning. Samakatuwid lumalabas na ang tunay na kulay. Ito ang masaklap na kapalaran na humaharap sa atin.
Dahil sa pangako, si Juan dela Cruz ay napako sa isang krus na pasanin ng maraming taon matapos ang termino ni Muning. Masidhi ang hapdi nang buong tigas ng mukhang itinanggi ang mga pangako at sinabing gago ang naniwala sa mga pangako niya. Sabagay sinabi ng dayunyor ni Muning ang nagsabing hindi kailangan ang “honesty” kapag naninilbihan bilang “elected official.” Maraming pangako ang binitawan ni Rodrigo Duterte. Maliban sa pangako, siya ang bagong Satanas. Maraming namamatay at walang natupad.
Sa ating mga Filipino, napakahalaga ng “palabra de honor” o pagkakaroon ng isang salita. Ito ang pamantayan na ating sinusunod mula sa ating mga ninuno. Kung wala kang “palabra de honor,” wala kang kaluluwa.
Ito ang ipinamalas ni Rodrigo Duterte. Maging ang pag-urong niya sa hamon niya na debate sa retiradong mahistrado Antonio Carpio ay pagyurak sa “palabra de honor.” Huwag pansinin ang pagtawag niya sa spooksman na humalili sa kanya, sapagkat sa mata ng mga kababayan natin, talo siya. Huwag natin pag-ukulan ng pansin ang humingi siya ng ‘resbak’ sa mga ipis niya noong Lunes, dahil nang umurong siya sa debate, talo na siya. Wala na tayong dapat isipin. Wala na dapat sabihin, maging ang ingay na galing sa mga alipores ay hindi na dapat tugunan ng pansin. Consummatum est. May nanalo na.
 
***
HINDI ko malaman kung si Harry Roque ay nagpapapansin o nagpapatawa. Nang sinabi ni Duterte na humalili sa debate kay Carpio, gumigiri si Roque na parang tandang. Tumayo ang balahibo sa leeg at buo ang loob na sinabi: “Handang handa sana ang Presidente na dumebate. Pero kagabi, tinanggap niya ang advice ng ilang mga miyembro ng gabinete… Wala pong mabuting resulta ang debateng ito para sa sambayanang Filipino.” Hindi siya pinansin ni Carpio. Balewala siya kay Albert Del Rosario.
Lingid sa kaalaman ng marami, si Del Rosario ay isang certified instructor sa “hwa-rang-do” isang Korean “martial art.”
Nang maglaon si VP Leni Robredo ang hinamon n Roque. Hindi siya pinansin. Mas iniintindi ni VP Leni ang ibsan ang hirap ng mga kababayan niya. Kawawang Harry Roque. Walang pumansin sa kanya.
Sa ganang akin ang tinalagang ‘ganador’ ni Rodrigo Roa Duterte ay, kumbaga sa sabong, isang tiyope.
At kumbaga sa “budol-budol” tayo ay na-estafa.
 
***
MATINDI ang ‘mutated strain’ ng CoVid-19. Malala ang pinsala sa India. Nagulantang sila dahil sa buong akala ng pamahalaan ni Prime Minister Narendra Modi, nalagpasan na nila ang pandemya. Nagkamali sila.
Ngayon, puno ang mga ospital nila. Sinusunog ang maraming bangkay kung saan mistulang “zombie apocalypse” ang paligid. Makikita ang apoy ng mga sinusunog na namatay.
Dahil sa kakulangan ng aksiyon ng pamahalaan, hindi alam ang gagawin ng mga Indiano. Iyong iba nagpahid na lang ng tae ng baka sa katawan sa paniniwala na ang tae ng baka ay magsisilbing pananggalang kontra sa CoVid-19. Ipagdasal natin ang mga kapatid na Indiano na harinawa malampasan nila ang salot.
Napabalita na nakapasok na sa ating bansa ang “mutated strain” ng CoVid. Magdagdag tayo sa pag-iingat.
 
***
MGA PILING SALITA: “Contrary to Rodrigo Duterte’s claim, Integrated Bar of the Philippines president Atty. Domingo Cayosa said the 2016 historic arbitral ruling over the South China Sea dispute is a binding document, and not a piece of trash.” – Atty. Manuel Laserna, Jr.
“‘Wag ho natin itapon ‘yung papel na ‘yon (We shouldn’t trash that piece of paper), that is a very important piece of document. It is an international document that is binding to all the parties.” – Domingo Egon Cayosa, IBP president
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman

About Mackoy Villaroman

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *