Sunday , December 22 2024
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman

Hapag pampamayanan

NAG-USBUNGAN sa nakaraang linggo ang mga “community pantry” o paminggalan ng barangay. Nagsimula sa harap ng isang bahay at, ngayon, kumalat na ang mga “community pantry” sa iba’t ibang lugar.

Nagsimula ito nang napagod ang 26-anyos na si Ana Patricia B. Non, o Patreng, sa kawalang-aksiyon ng pamahalaan sa kawalan ng makukunan ng pagkain ng ating mga mamamayan.

Noong 14 Abril, gumawa siya ng paraan. Naglagay ng mesa si Patreng sa harap ng bahay sa 96 Maginhawa St., sa Lungsod ng Quezon. Naglagay siya ng iilang piraso ng de lata, mga sariwang gulay, itlog, bigas, munggo, biskwit, at iba pang puwedeng pakinabangan na pantawid-gutom.

Nagpaskil siya ng karatulang may sulat-kamay: “Magbigay ayon sa kakayahan. Kumuha ayon sa pangangailangan.”

Napakaraming mamamayan ang nakinabang sa “community pantry” o hapag pampamayanan at nag-usbungan na parang kabute sa iba’t ibang dako. Hindi kalaunan, kumalat  ang hapag pampamayanan sa labas ng Metro Manila.

Umiikot ang hapag pampamayanan sa paniniwala na ang tao ay likas na mabuti at kukuha sila batay lang sa kanilang pangangailangan. Umiikot ito sa diwa ng “bayanihan” na ang nagkakaisang mga mamamayan sa isang komunidad ang nagtutulungan.

Napapanahon ang inisyatibang tulad ng hapag pampamayanan upang buhayin muli ang pagmamagandang-loob at pakikipagkapwa-tao, mga bagay na lubos na kinakailangan ngayon.

Isang netizen na itatago natin sa pangalang Badu Francis Benitez: “May umuusbong na bagong script tungkol sa hapag pampamayanan. Na ito raw ay desperadong estilo ng mga dilawang CPP at NPA. Na gusto talagang pabagsakin ang panginoong PRRD.

Una, ang tanga ng taong nagpapakalat. Hindi dilawan ang CPP at NPA. Sila ay pula, tanga! Mang-uuto na lang, may sabit pa. Pangalawa, may sapat bang batayan para masabing CPP at NPA ang nagpasimula ng hapag pampamayanan? Hindi ba puwedeng inspirado lang ang tao sa konsepto ng sosyalismo na nagsasabing kumuha batay sa pangangailangan at magbigay-ayon sa kakayahan? Honestly, ang babaw mo, kung hindi mo maiisip ‘yan.

Pangatlo, ang hapag pampamayanan ay isang alternatibong solusyon na nakikita ng mga Filipino, para ipakita ang malasakit at pagtutulungan. Hindi ito politikal na pagtatangka para wasakin ang imahen ng panginoong PRRD. Dahil ano pa ba ang wawasakin? Come to think of it, ha?

Pang-apat, napopolitika ang hapag pampamayanan dahil may iilang nasiphayo sa paggamit ng kanilang kapangyarihan. Originally, hindi politikal ang inisyatiba ng hapag na ito.

Ani A Dexter M. Lopoz: “Community pantries have sprouted all over Metro Manila and Luzon. Farmers from Central Luzon are sharing their produce for free for these pantries. That is proof that the Filipino’s sense of nation has NEVER been skewed. There is further proof that given a leadership of compassion and innovation, the Filipino will rise to the challenge and meet whatever difficulties we have as a nation. Nakahihiya na talagang maging kool-aid drinker pa rin sa panahong ito.”

Kahit mga politiko nakiki-ride-on sa tagumpay ng hapag pampamayanan. Nandiyan ang isang konsehal na nagtayo ng sariling “community pantry” at ginamit pa ang Magbigay ayon sa kakayahan. At Kumuha ayon sa pangangailangan. Hindi na kita papangalanan at baka sumikat ka pang hayup ka.

Pati mga katulad ni Grace Poe at “scissor sister” niyang si Imee Marcos naki-ride-on at nagbigay ng kanilang “ motherhood statements.”

Meron pang isang pangahas na Usec na nagsabing pakana ng komunista ito para magmukhang masama ang administrasyon ni Mr. Duterte. May kasabihan: “Ang manggang mayabong ay sadyang binabato.”

Ito ang tingin ko sa mga talipandas na namamato dahil naiinggit, o gustong makisabay sa magandang kinahantungan ng isang ideya mula sa isang may mabuting puso. Sabihin natin na maaaring ang nag-umpisa ng hapag pampamayanan sa hanay ng pulahan, ito ang masasabi ko: Walang politika ang magmagandang-loob.

At kung sasalaksakan mo ng ganoon, ang masasabi ko lang sa iyo at kasintulad mo: “Ulol kayo!”

***

Kamakailan, iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na ang bawat Filipino, lalo ang mga nasa laylayan ng lipunan, ay kailangang mag-impok sa banko. Hinihikayat niya ang bawat mamamayan na magkaroon ng bank account. Okey ito, pero hindi na patas ang patakaran ng mga banko hinggil sa perang idinedeposito ni Juan De La Cruz. Marami ang kaltas sa deposito.

Una,  ang “minimum maintaining balance” o perang dapat nakadeposito para hindi ka magkaroon ng kaltas mula sa banko. Kapag umabot sa sumunod na buwan at hindi mo nilagyan ng pera ang account mo para umabot sa minimum maintaining balance, ikaw ay kakaltasan bilang “penalties.” Sa panahon ngayon ng pandemya ay pahirap sa mamamayan dahil hindi nakagagalaw nang normal at ang kakayahan niya na kumita ng pera ay nakikitil.

Pangalawa, ang pagsingil ng “surcharge” o “service fee” para sa isang transaction katulad ng pagtingin sa balanse ng pera mo. Dati libre ito pero kahit parehong banko, ang ginawang “inquiry,” basta hindi parehong branch may kaltas ka.

Pangatlo at pinakamatinding abuso na ginagawa kay Juan De La Cruz, ang “garnishing” o sapilitang pagkuha ng banko sa deposito mo. Dati kapag may deposito ka sa banko na hindi ginagalaw, walang mangyayari rito kundi madagdagdagan ng interes. Habang tumatagal, interes nang interes lang at nadaragdagan ang deposito mo.

Ngayon, kapag ang deposito mo ay hindi nakikitaan ng paggalaw o ito ay “dormant” ang gagawin ng banko ay kakaltasan ito nang paunti-unti hanggang mawala na ang pera sa account.

Notorious ang isang banko na hindi ko na babanggitin ang pangalan at baka sumikat pa, at makasisiguro ka na kapag hindi gumagalaw ang account, ibig sabihin, walang nakikitang “withdrawal” o deposito sa loob ng ilang buwan, gagawan nila ito ng paraan.

Maganda ang mungkahi ni Gatchalian, ngunit para kagatin ito ng nasa laylayan, kailangan baguhin ng Bangko Sentral ang patakaran para hindi puro kabig lang ang nangyayari, dahil sa totoo lang pinapakinabangan ng mga banko ang deposito, dahil ginagamit ito sa iba pang bagay katulad ng paglalaan ng pondo para sa humihiram ng pera. Kung gustong dumami ang nag-iimpok sa banko huwag puro paghahanap ng paraan para kuhaan ng pera ang tao.

[email protected]

TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman

About Mackoy Villaroman

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *