Sunday , December 22 2024
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman

Kabaliwan at kababawan

KUNG IHAHAMBING sa larong ‘agawan-base,’ basta may isang nakahawak o nakadikit sa “base,” tantos niya ito at kanya na iyan. Isang tapik mula sa alinman sa kalaban talo na siya.

Ganyan ang nagigisnan natin ngayon sa pagitan ng Filipinas at ng Tsina sa isyu ng West Philipppine Sea.

Itong Marso, nagulantang ang marami nang may nakitang mahigit 200 barkong Tsino na humimpil sa bahura ng Julian Felipe na bahagi ng WPS. Anang mga Tsino, sila ay nakikisilong doon dahil masama ang panahon. Pero nang masusing suriin, nalaman na walang bagyo at maganda ang panahon.

Fast-forward tayo at nabago na ang drama. Ang kinaluluklukan ng mga barkong Tsino ay lugar ng Julian Felipe na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Filipinas. Ang nakaiinis ay ang pang-iinsulto ng Chinese ambassador sa kalihim ng Tanggulang-Bansa.

Dito nagpasyang maghain ng “note verbale,” o reklamo ang Filipinas sa bawat araw na nanatili ang “flotilla” ng barkong Tsino sa Julian Felipe Reef. Umalis ang karamihan, ngunit may mahigit 20 barko ang naiwan. Hindi bago ang taktikang ito dahil noong 2012 ginawa nila ito sa Panatag Shoal, o Bajo De Masinloc.

Ngayon, makikita ang isang estrukturang itinayo ng mga Tsino na mayroong radar at paliparan ng eroplano.

Tinawag ng DFA si embahador Huang Xiliang at sinabi sa kanya na ang Filipinas ay hindi natutuwa sa pananatili ng mga barkong Tsino sa Julian Felipe Reef. Ipinaalala kay Huang na ang 2016 decision ng UNCLOS ang katibayan na ang bahaging sinasakop nila ay hindi sa China kundi EEZ na nasa Filipinas.

Ipinaalala sa kanya na sila ay panauhin ng gobyerno, kaya marapat na maging maayos ang pananalita at kilos ng mga Intsik sa mga opisyal ng gobyerno ng Filipinas. Iniutos ang pag-alis ng lahat ng barkong Tsino sa naturang lugar. Matapang at en punto ang mensahe sa Tsina. Maaaring tumantos sa bahura ng Julian Felipe.

Pero matindi pa sa tapik ang magigisnan nila sa kalaunan.

***

MAY pamamaslang na naman ng isang curfew violator nang sitahin at habulin ng mga barangay tanod sa Calamba City, Laguna noong Linggo. Nang masakote ng mga tanod si Ernani Jimenez, binugbog siya ng dalawang tanod. Namatay ang binatilyo.

Ayon sa PNP Calamba, maghahain sila ng kaso laban sa dalawang bumugbog na tanod. Ang tanong ko po: “Naihain na ba ang asunto? Nakapiit na ba ang dalawang salarin?”

***

NOONG Lunes ng gabi, lumabas sa wakas si Rodrigo Duterte makaraan ang dalawang linggong pagkawala. Pero sa weekly media briefing, imbes maging isang pagpapaliwanag sa taongbayan, sinaltik sa utak si Duterte, nanisi at nambuska pa.

Maaalala na hindi nagpakita nang halos dalawang linggo si Duterte. Naglabas ng mga retrato ang dakilang alalay na Bong Go na nagpapakikita ng jogging, motorsiklo, at naglalaro ng golf si Duterte. Kani-kaniyang sapantaha ang mga kababayan natin. Ginamitan ng double o kamukha ni Duterte na pinaniwalaan ng marami  dahil ang pangangatawan ng nakitang tao sa mga larawan ay malayo sa nakita noong sumalubong siya sa bakuna ng Sinovac sa Villamor Airforce Base.

Kinailangan alalayan si Duterte pababa ng hagdanan, at malayo ang pigura ng katawan kompara doon sa taong nagda-jogging at nagmomotor.

Sa akin, ang napuna ko’y ang retrato niya na pumapalo ng golf club. Ang naturang retrato ay hango sa isang magazine article ng Spot.ph at kuha noon pang 2016. Puwede sana ito dahil notorious si Boy Balubad sa photo-op at paggamit ng retrato bilang “proof-of-life.” Pero bakit naka-facemask?

Simple lang ang paliwanag dito. Ang taong 2016 ay kasagsagan ng MERS coronavirus SARS na kumalat mula Middle East at umabot hanggang dito dahil sa mga OFW na nagkaroon nito. Nauso ang pagkuha ng temperatura gamit ang digital thermometers. Noon din nakita ang pagsusuot ng facemask na inirekomenda ng DoH para makaiwas mahawa.

Heto ang isang update na inilabas ng Spin.PH kung saan lumabas ang mga retrato:

UPDATE: As of 9:15 AM of April 12, 2021, Spin.PH has clarified in their website in the concerned article that the photo is indeed a recent insert/update. The caption of the photo is edited to be read in this manner: “In a photo shared by Sen. Bong Go in April 2021, President Duterte swings a driver at the Malacanang grounds.”

Pero nag-iiwan pa rin ng mas maraming tanong kaysa sagot. Ito ang saloobin ng Isang netizen: “I also suspect that the photo is a recent addition and updating of the concerned article. It might happen to be just like that. But, in the spirit of journalism when new is always better and welcome, why improvise an old, outdated article?”

***

Isang mensahe mula sa matagumpay na Bayanihan E-Konsulta ni VP Leni Gerona Robredo:

Important announcement: Ini-launch natin noong nakaraang Miyerkoles, April 7, ang Bayanihan E-konsulta. Sobrang salamat sa lahat ng nag-volunteer — ‘yung mga doktor, mga tumatao sa call center — at pati sa mga simpleng messages of support.

Overwhelmingly positive ang naging response sa initiative nating ito.

Sobrang overwhelming ang support, at sobrang overwhelming din ang dami ng requests na ipinaabot sa atin. Patunay ito na kailangan natin ng ganitong uri ng serbisyo. Hindi kami nagpapigil kahit ang dami naming limitasyon, at kailangan namin ngayon ng kaunting oras para habulin at tugunan muna ang lahat ng pumasok na request at maibigay ang tulong na kailangan.

Kaya, despite our reluctance to do so, I am announcing that, Monday, April 12, we will not be receiving new requests first. Isang araw lang po ito. Kailangan lang po namin ng panahon para ma-integrate na sa aming system ‘yung ating external volunteers at maayos namin ‘yung lahat na technical issues at backlogs. Hindi po namin inaasahan ang dagsa ng pasyenteng nagkokonsulta kaya kailangan po namin na mas lalong paghusayan ang ating platform at process flow.

[email protected]

TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman

About Mackoy Villaroman

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *