Sunday , December 22 2024
Balaraw ni Ba Ipe
Balaraw ni Ba Ipe

‘Inferior Davao’

WALANG walang taga-Davao City ang magiging pangulo ng Filipinas sa susunod na 50 taon. Sa ipinakita ni Rodrigo Duterte na kabastusan, kawalan ng kakayahan, katamaran, at kababuyan sa Tanggapan ng Pangulo, madadala ang mga Filipino na maghalal ng taga-Mindanao – at lalo na kung taga-Davao City – na pangulo ng bansa. Isang malaking kalokohan ang ihalal sinuman sa kanila.

Naniniwala kami na aabot sa 2070 upang magkaroon ng isang kandidatong pampanguluhan na may fighting chance. Sa ngayon, bokya. Hindi magpapaloko – o magpapaduterte — ang mga Pinoy sa halalan. Totohanang usapan ito – maniwala man kayo o dili sa aming tinuran.

‘Inferior Davao’ ang taguri sa mga naghaharing uri na galing sa siyudad sa Katimugan. Hindi tinutukoy ang mga mamamayan ng Davao City sa kawalan ng kakayahan, kultura, diwa, at kagandahang asal ng kasalukuyang mga lider ng bansa. Ginagamit ito upang tukuyin ang mga pinunong bayan na nanggaling ng Davao City.  Rodrigo Duterte at mga anak Sara, Polong, at Baste, Bong Go, Bato dela Rosa, Karlo Nograles, Jose Calida, Debold Sinas, at iba pa na hindi kinakikitaan ng sigla at galing sa liderato.

Salat sa kagandahang-asal, katwiran at galing, sikap at malasakit sa kapuwa, matulis ang dila ngunit hindi ang diwa, kawalan ng kakayahan sa maraming usapin ng bayan, at matinding kabobohan – ito ang tatak ng kanilang pagkatao at uri ng pamumuno sa bansa. Inuulit namin na hindi ang mga mamamayan ng Davao City ang Inferior Davao. Ang Inferior Davao ay tungkol sa mga naghaharing uri.

Isang pagpapatiwakal ang ihalal ang sinuman sa kanila sa 2022. Hindi namin nakikita na mahahalal ang sinuman kina Sara, Bong Go, o Bato sa susunod na halalan. Totoong naduterte tayo noong 2016 sa ibang kapalaran na sinapit na bansa nang nahalal si Duterte. Ngunit isang katangian ng mga Filipino ang marunong madala sa masamang kapalaran. Kaya babangon tayo sa 2022.

Hindi namin nakikita na tutulong ang China na ihalal sa 2022 ang isang Duterte na taksil sa bayan. Alam ng China na nabuko na ang kanilang masamang impluwensiya noong 2016. Bibitiwan ng China ang mga Duterte o kahit ang mga Marcos, o sinuman na nagpapakatuta sa kanila. Kaya hindi makababangon ang sinuman sa Inferior Davao sa 2022.

***

TAMA si Sonny Trillanes hinggil sa masamang asal ni Duterte. Huwag siyang hanapin kung nawawala. Kapag nawawala si Duterte, hayaan lang siya. Hindi siya kawalan sa bayan at kaninuman. Kung hindi lumitaw, maraming salamat. Hindi siya nakapaghasik ng lagim kapag wala sa eksena si Duterte. Panatag ang bayan kapag wala siya sa radar.

Ngunit tama lamang na hanapan ng bayan ng trabaho si Duterte. Hindi siya nahalal sa panguluhan upang magpalaki ng tiyan at magmukhang isang patabaing baka. Kailangan ang lider na umuugit sa pamahalaan. Kung hindi magtrabaho, igiit natin na magbitiw siya sa puwesto. Pero por Diyos, por Santos, hindi siya dapat pinahahalagahan dahil wala siyang kuwentang tao.

Tama si Trillanes sa kanyang panawagan sa lahat ng mga kritiko ni Duterte na hindi dapat sumakay sa script nila ni Bong Go. Pinaglalaruan ni Duterte at Bong Go ang sambayanan. Niloloko at ginagawang mga tao-tauhan lamang. Hindi sila nagtatrabaho para sa ikabubuti ng bayan, aniya.

Hindi hinaharap ni Duterte ang dalawang krisis ng bansa: una, ang pandemya, na mahigit 10,000 kada araw ang dinadapuan ng karamdaman sanhi ng CoVid-19, at pangalawa, ang pangangamkam ng China ng teritoryo ng Filipinas. Walang ginagawa si Duterte sa dalawang krisis. Noong Lunes, halos wala siyang ibinigay na solusyon sa dalawang krisis.

***

BANGUNGOT ang muling pagkabuhay ni Duterte nang lumabas siya sa telebisyon noong Lunes ng gabi pagkatapos mawala nang dalawang linggo. Hindi nagpakita at nagparamdam ng 14 araw, ngunit nang lumabas at nagpakita, siya ang galit dahil hinanap siya, ayon sa maraming netizens. Kaya Inferior Davao ang tawag sa kanila. Iba ang kultura nila sa maraming bagay. Hindi naaayon sa kagandahang asal.

Nanahimik sa piitan si Leila de Lima dahil sa mga gawa-gawang sakdal, ngunit pinag-initan kahit limitado ang kanyang kakayahan na sumagot. Bakit hindi si Sonny Trillanes ang binatikos? Dahil matikas, maginoo, at marunong lumaban si Sonny Trillanes? Sa totoo, tanging ang mga babae at walang lakas at kapangyarihan ang kaya ni Duterte. Sa mga marunong lumaban at may talino, urong ang bayag ni Duterte. Sobrang duwag.

***

MUKHANG isinasantabi ni Duterte si Francisco Duque III bilang kalihim ng kalusugan. Mukhang magiging malungkot ang pagwawakas ng karera ni Duque sa buhay. Nagpakatuta, nagpaaba, at nagpagamit kay Duterte si Duque sa pagtatrabaho sa gobyerno, ngunit mukhang kapareho siya ng kapalaran ng mga soft drink. Itinatapon ang basyong lata o bote kapag nakuha na ang laman.

Mukhang si Carlito Galvez, Jr., na ang nagsisilbing kalihim ng kalusugan. Hindi pinapansin si Duque. Sa kanyang ulat noong Lunes, kaunti lamang ang binanggit ni Galvez tungkol sa bakuna na ang pagbili at pagkuha ay kanyang trabaho. Nag-ulat siya tungkol sa remittance ng PhilHealth contribution, pagbili ng mga kama para sa mga pasyente ng CoVid, at pagpapalaki ng mga pagamutan upang tumanggap ng mas maraming pasyente. Nagmukhang tanga si Duque.

BALARAW
ni Ba Ipe

About Ba Ipe

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *