KAKAIBANG nilalang talaga itong si Harry Roque.
Para sa kanya, ang halos isang taong pagkakakulong sa loob ng bahay — ay isang ‘bakasyon.’
Kaya naman napilitan ang Presidential spokesperson na si Roque na ilantad ang kanyang ‘stone’ para lubos na makita ang mga kasabay niya.
Inulan ng batikos ang pahayag ni Roque na isang taon nang ‘nakabakasyon’ ang mga Pinoy mula nang isailalim sa quarantine ang bansa bunsod ng CoVid-19 pandemic kaya marapat ang pagbawi sa tatlong special working holidays ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Well, alam po ninyo, iyan ay dahil po sa advice ng economic team. Napakatagal na po natin nakabakasyon. Halos isang taon na tayong nagbakasyon dahil sa CoVid-19,” reaksiyon ni Roque sa panawagan ng ilang senador sa Malacañang na ikonsidera at bawiin ang anunsiyong special working holidays ang November 2, December 24 at December 31.
“Siguro naman po ngayong nandito na ang bakuna, hayaan naman nating maka-recover tayo for lost time ‘no,” sabi ni Roque.
Pero para kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary-general Renato Reyes, Jr., hindi matatawag na bakasyon ang nakalipas na isang taong kalbaryong naranasan ng mga mamamayan sa ilalim ng pandemya.
“Malayo sa bakasyon ang nangyari noong nakaraang taon. Ibayong dusa ang sinapit ng tao. Milyon-milyon ang nawalan ng trabaho. Parang kasalanan na naman ng tao itong problema,” sabi ni Reyes sa Facebook account.
E palibhasa itong si Roque, nakuha pang maligo sa beach noong panahon ng pandemya. Namasyal pa at mukhang isa-isang ‘dinampot’ ang kanyang mga naiwang alaala sa dalampasigan ng Orion, Bataan.
Paalala lang, spox Roque, ikaw lang ang nagbakasyon hindi ang sambayanan.
Kaya kung enjoy na enjoy si Roque sa ‘bakasyon’ sa beach sa panahon ng pandemya, ang sambayanang Filipino ay naman ay hirap na hirap iraos ang kanilang maghapon.
Uulitin po natin Secretary Roque, ikaw lang ang nagbakasyon!
‘Yun lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap