BAGO mag-Pasko, ewan naman namin kung bakit nagkatamaan naman ang dalawang director. Nagsimula lang iyon nang kondenahin ni direk Adolf Alix ang ginawa ng isang pulis na pagpatay sa walang kalaban-labang mag-ina sa Tarlac. Walang armas na kahit na ano ang mag-ina, na binaril agad sa ulo ng pulis.
Nang kondenahin nga iyon ni direk Adolf ay sinabihan iyong “ipokrito” ni direk Jay Altarejos. Iyon pala ay dahil sa sinasabihan nga raw ni direk Adolf na dapat kondenahin ang namaril na pulis pero siya ang gumawa ng pelikula tungkol sa dating chief PNP na si Bato dela Rosa na siyang nagsimula ng “tokhang.”
Pero teka, wala naman yatang napatunayang pagpatay na ganoon kabrutal dahil sa “tokhang.” Iyong tokhang kasi ay “katok at hangyo,” na ibig sabihin, kakatukin sa bahay at pakikiusapang tumigil na sa droga. Pero nagkaroon nga ng kaibang kahulugan iyong “tokhang” nang sunod-sunod na nagkaroon ng pagpatay noon sa mga sinasabing “drug suspects.”
HATAWAN
ni Ed de Leon