HATAW News Team
BINAWIAN ng buhay ang dalawang matandang babae nang matabunan ng lupa sa naganap na landslide dulot ng malakas na hangin at pag-ulan sa Barangay Cuatro de Agosto, sa bayan ng Mahaplag, lalawigan ng Leyte, nitong madaling araw ng Sabado, 19 Disyembre.
Kinilala ang mga biktimang sina Evelina Laraño, 67 anyos, at Junilanda Milana, 62 anyos, kapwa natutulog nang rumagasa ang putik at mga bato.
Nakuha ang kanilang mga katawan na nadaganan ng gumuhong mga bato, lupa at putik noong Sabado ng umaga, ayon kay Mahaplag Mayor Daisy Lleve.
Samantala, nailigtas din ng mga pulis at mga bombero ang isang 14-anyos binatilyo na nasugatan dahil sa pagguho ng lupa.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang rescue and retrieval operations ng mga awtoridad at tinutukoy pa rin ang bilang ng mga apektadong pamilya at mga bahay na natabunan ng mga bato at lupa.