INIREKLAMO ng isang lady solon sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagpapakalat ng isang malisyosong video na inilathala sa popular social media platform na TikTok para sirain ang kanyang reputasyon.
Nagtungo kamakalawa si Quezon 4th District Rep. Dr. Angelina “Helen” Tan sa NBI Lucena District Office para paimbestigahan ang pagpapalaganap ng malisyosong video ng social media account @sovereignph sa TikTok hinggil sa umano’y kanyang ari-arian at pagtawag sa kanya bilang “corrupt official” na sinegundahan ng troll partners nito.
Hiniling ni Tan kay NBI-Lucena chief Dominador Villanueva III ang maigting na pagsisiyasat at paghahain ng kaukulang mga kaso laban sa mga personalidad na nasa likod ng pagsasagawa at pagpapakalat ng mga paninira laban sa kanya.
Ilan sa mga isasampang kaso ng mambabatas laban sa mga nagpakana ng malisyosong video ay paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Unjust vexation.
Sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, ang sinomang mapapatunayang guilty ay mabibilanggo ng 12 taon at magmumulta ng hindi bababa sa P6,000 depende sa lawak ng danyos na naidulot nito. Hiwalay pa rito ang iba pang mga kasong sibil na maaaring ihain.
Dagdag rito ang kasong Unjust Vexation na maaaring isulong ng biktima dahil sa stress at pangamba na idinulot nito na may kaakibat na parusang anim na buwang pagkapiit at multang P500 hanggang P5,000.
Kinondena ng kongresista ang pagpapakalat ng fake news o disimpormasyon sa social media para sa pamomolitika at pagpapalaganap ng mga pansariling interes sukdulang sirain ang reputasyon ng isang tao.
“Walang lugar sa probinsiya ng Quezon ang mga gawaing ito,” ayon kay Tan.