INARESTO ng mga awtoridad ang tatlong lalaki dahil sa pagbibiyahe ng tinatayang P840,000 halaga ng marijuana na naharang sa isang checkpoint sa pagitan ng lungsod ng Baguio at bayan ng La Trinidad, sa lalawigan ng Benguet, nitong Linggo ng gabi, 6 Disyemrbre.
Ikinasa ang operasyon base sa tip na natanggap ng Baguio City police at kasama ang mga miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), naharang ang mabilis na tumatakbong itim na sports utility vehicle.
Hindi umano pinansin ng driver ng sasakyan ang mga pulis nang harangin at patigilin sila sa checkpoint.
Ayon kay P/Col. Allan Rae Co, hepe ng Baguio police, natagpuan mula sa loob ng sasakyan ang pitong berdeng tubo na pinagtataguan ng mga namumulaklak na halaman.
Kinilala ang mga suspek na sina Kasmir Vince Gile, 28 anyos, at Keihl Gio Baniqued, 22 anyos, kapwa mula sa lungsod ng Baguio; at Manuel Balbuena II, 22 anyos, mula sa Bulacan.
Patuloy na inaalam ng mga imbestigador ang pinagmulan ng mga kontrabando at kung saan ang destinasyon nito.