NAGBABALA kahapon ang isang medical group kay House Speaker Lord Allan Velasco na huwag gamitin ang bakuna laban sa CoVid-19 para ‘bumango’ ang pangalan.
Ang pahayag ay ginawa ng grupong Medical Action Group (MAG) matapos ni House Secretary General Mark Llandro “Dong” Mendoza na prayoridad ni Velasco na mapabakunahan ang may 8,000 miyembro at kawani ng Mababang Kapulungan kapag available na ang bakuna.
Inamin ni Mendoza na nakikipag-ugnayan na sila kay vaccination czar Charlie Galvez hinggil sa nasabing bagay.
Ayon kay MAG chairperson, Dr. Nemuel Fajutagana nakatatakot ang ganitong mga pahayag dahil maaari talagang mangyari ang disenfranchisement sa oras na dumating sa bansa ang CoVid-19 vaccines.
Tiyak umanong mauuna sa bakuna ang mga congressman at kanilang mga staff lalo’t sila ang may hawak ng budget.
“Baka naman ito ay maging in aid of reelection to some people. May magandang plano sa distribution ng vaccine, ang issue rito is if it will not really be hijacked. May mga mangyayaring deviation. Pero paano kaya natin maga-guarantee na iyong ating plinano na those supposed to be given priority will really get that material or that vaccination,” pahayag ni Fajutagana.
Umapela ang grupo kay Galvez na tiyakin ang transparency sa pamamahagi ng CoVid-19 vaccine at hindi iayon sa kagustuhan lamang ng mga mambabatas.
“Limited pa lang ang availability ng vaccine, kaya mauuna dapat ‘yung vulnerable sector. The civil societies and NGOs should really monitor the distribution to ensure transparency. Ayaw natin sanang mangyari, disenfranchisement. Ang problema rito kung na-disenfranchise ka because some people used their power of the purse, parang ‘yung Congress nga e, because they control the budget e,” paliwanag ng MAG.
Aminado ang grupo na pabor sila sa planong distribution ng bakuna ng Department of Health(DoH) ngunit ang malaking isyu ay kung paano ito mapoprotektahan.
“Ang ano na lang namin dito ay how do we safeguard that plan, and how do we make sure that selection, the implementation of those who were selected really, identified as vulnerable were really be receiving such services as planned, without political pressure coming from those who are controlling the purse,” dagdag ni Fajutagana.
Nagbabala rin ang grupo laban sa paggamit ng mga mambabatas sa bakuna para bumango ang kanilang pangalan para sa 2022 election.
“Ang fear talaga, itong bakuna being used as an election event. Baka may bakuna riyan may pangalan pa kung sinong magbibigay niyan e,” giit ni Fajutagana.
Ang pangako ni Velasco na uunahin ang mga mambabatas at empleyado na makatanggap ng CoVid vaccine ay sa harap na rin ng paglobo ng mga tinamaan sa Kamara na umabot sa 98 kaso nito lamang buwan ng Nobyembre.
Sinita ng QC Health Department – Epidemiology and Surveilance Unit ang Kamara sa late reporting ng kanilang CoVid cases kaya nagkaroon ng pagdami ng kaso dahil sa kawalan ng contact tracing.