ANO ba ang dahilan ng mabilis na pagtaas ng baha sa lalawigan ng Cagayan partilkular sa mahal kong bayan, ang Tuguegarao? Akalain ninyo, sa loob lamang ng ilang oras sanhi ng walang tigil na pagbuhos ng ulan ng bagyong Ulysses, lubog na sa baha ang karamihan sa bayan ng Cagayan gayondin sa lalawigan ng Isabela.
Tumigil man ang pagbuhos ng ulan dahil lumabas na sa Philippine area of responsibility (PAR) si Ulysses, lubog pa rin sa baha ang nakararaming bayan ng Cagayan at Isabela. Ang ilang pamilya partikular ang bahay na nasa tabi ng ilog (Cagayan River) ay nasa evacuation center o nakikisilong sa mga kaanak na may two-storey ang bahay.
Ganoon pa rin ang sitwasyon ngayon sa mahal kong lalawigan, ang Cagayan – my birthplace.
Siyempre, sa kabila ng lahat, ako’y nagpupuri at nagpapasalamat sa Panginoong Diyos at nasa mabuting kalagayan ang aking mahal na ina at pamilya ng aking kuya, bagamat binaha rin sila – mabuti na nga rin at may ikalawang palapag ang bahay ni Kuya habang ang aming ancestral home (bungalow) ay inabot ng baha.
Maging ang mga kaanak namin ay nasa mabuting kalagayan naman lahat – ligtas sila sa kabila ng hagupit ni Ulysses.
Pero bakit nga ba ganoon na lamang kabilis ang pagtaas ng baha? Maraming anggulo ang tinitingnan, illegal logging…illegal logging? Kung malala man ang illegal logging sa lalawigan, e sino pa ba ang dapat na managot kung hindi ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at walang iba pa…LGUs? May pananagutan din pero kung walang tiwali sa DENR ay walang illegal logging at illegal quarrying. Tama!
Ang nakita naming kauna-unahan dahilan ay pag-apaw ng pinakamalaking ilog sa buong bansa, ang Cagayan River. Umapaw ang ilog kaya lubog sa baha ang dalawang lalawigan.
Mabilis na napuno at saka umapaw ang Cagayan River dahilang sinisisisi ng mga Cagayanos, ay ang todo-todona pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam, isa sa pinakamalaking dam sa bansa.
Halos lahat o lahat na yata ng gate ng dam ang magkakasunod na binuksan kaya ganoon na lamang kabilis na napuno ang malawak na Cagayan River para lamunin ng baha ang karamihan sa bayan ng Cagayan at Isabela pero mas apektado ang Cagayan.
Hindi naman nagkulang sa pagbibigay babala ang pamunuan ng Magat Dam pero tama ba ang desisyon nilang gulpihin ang pagkakawala ng tubig? Hindi na nagkaroon ng pagkakataon ang marami para makapaglikas o itaas ang kanilang kagamitan.
Kung sabagay, kung hindi naman kasi nagpakawala ng tubig ang dam, marahil mas malala pa ang mangyari sa Cagayan.
Hindi na bago sa inyong lingkod ang pagbaha sa Cagayan, bata pa ako sa tuwing mataas ang baha sa Tuguegarao, ang sinasabi ay nag-overflow ang Cagayan River dahil nagpakawala ng tubig ang Magat pero, kompara sa situwasyon noon at ngayon, grabe ang nararanasan ngayon. Ibang iba kung manalasa ang bagyo dahil nga sa sinasabing climate change.
Ano pa man, dapat lamang silipin ng Palasyo ang lahat ng anggulo ng mabilisang pagbaha sa Cagayan at Isabela. Illegal logging? Matagal nang isyu iyan pero, ano ang ginagawa ng DENR laban dito? Ba’t patuloy ang illegal logging? Illegal quarry? Uli, DENR at LGUs (din) ang mananagot? Ano pa?
Silipin din kung may pagkukulang ba ang pamunuan ng Magat Dam sa pagbibigay babala sa mga kababayan ko…o tama ba ang sistema sa pagpapakawala ng tubig? Hindi naman siguro kagustuhan ng pamunun ng Magat ang nangyari dahil ang pamilya at kaanak naman nila ay hindi ligtas sa trahedya pero ang atin lang ay imbestigahan ang sistema ng paraan ng pagpapakawala ng tubig sanhi ng malawakang baha dulot siyempre ng bagyong Ulysses.
Sa ngayon, ano ba ang dapat na gawin? Walang iba kung hindi magtulungan. Tulungan ang ating mga kababayan, in prayers and in goods for those who have good hearts.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan