NARITO ang ilang karera na naganap sa nagdaang Sabado sa karerahan ng San Lazaro sa Carmona, Cavite. Sa pambungad na takbuhan ay nakuha sa tiyaga at husay ng pag-ayuda ng hineteng si Kelvin Abobo ang kanyang sakay na si Abetski upang hindi lumagpas ang may malakas na remate sa labas na si Karizma ni Mark Gonzales, na nagsilbing batak na rin na maaaring iuna na sa listahan sa susunod kapag oras na mabasa sa programa.
Sa sumunod na karera ay nahulog ang sakay ng outstanding favorite na Brillo na si jockey Apoy Asuncion matapos na hindi nakasalida nang maayos si kabayo mula sa paglabas sa aparato na medyo nagloko sabay nasubsob na kaagad nasundan ng pag-angat ng ulo kung kaya’t nadisbalanse si Apoy. Nagwagi sa takbuhang iyan ang malayong segunda paborito na si Sky Plus ni apprentice Rico Suson, malapit na pumangalawa sa kanila si Fantastic Matty ni Jommel Lazaro.
Nakapitas na ng inaasam na panalo ang kabayong si Batang Heroes na nirendahan ni Jesse Guce dahil naging malaking pabor sa kanila ang naging post position bilang numero katorse (14) o iyong napapatakbo at naipupuwesto sa gawing labas, ika nga ay menos manakbo si kabayo kapag natatapalan o iyong may mararamdaman o makikitang kalaban sa gawing kanan niya. Obserbahan lang din ninyo ang kanyang karakter sa sunod na pagsali niya.
Big Lagoon naman na nirendahan ni Jeric Pastoral ang nakaiskor ng panalo sa kasunod na 3YO & above maiden na grupo sa ikaapat na takbuhan, tinalo nila ang tila nanawan lamang sa likuran hanggang sa makarating sa meta ang segundang si Our Secret dahil ayon sa mga nakapanood ay naramdaman nilang hindi ganoon ang estilo ng klaseng pananakay kung talagang gusto nung nagdala?
Sa ikaanim na laban ay walang anuman na iniwan ng kabayong si Good Reason na pinatnubayan ni Jesse Guce ang kanilang mga nakalaban matapos na lumayag ng may higit sa anim na kabayong layo pagsapit sa linya. Pumorkas sa kanya ang laging palaban na si Baywatch ni Amon Raquel Jr., habang na-photo naman sa tersero sila Great Style at Smiling Lady. Bumawi naman ng panalo si Apoy sa ibabaw ng kalahok na si Magnum Opus na nasegundong liyamado na sa takilya at sa klase ng pagkapanalo ay may mailalabas pa sa susunod.
Isang anybody’s race ang naging bakbakan sa ikapitong karera matapos na magkasabay-sabay ang maraming kalahok papasok sa rektahan na nauwi sa photo-finish na pagtatapos para sa mga kabayong sina Indelible Quaker ni Pabs Cabalejo at You Never Know ni Ryan Jhay Tabor na nguso lamang nagkatalo ayon sa pagkakasunod. Sa karerang iyan ay nabigyang batak sa aktuwal na takbuhan sina Plus, Taipan One at ang puro salto lamang ang inabot na si Easy Touchdown.
Sa penultimate race ay galeeg lamang na nagkatalo ang unang dalawang paborito na sina Jawo ni Jeff Zarate at Magnifico ni King Flores. Sa pinakuhuling takbuhan ay prenteng nanguna ang paboritong si Kaka And Bachi ni Jesse Guce, pumangalawa ang nakitaan ng magandang pagtakbo na si Early Bird matapos na naibigay ang renda sa iba mula sa huling dalawang laban niya. Pumangatlo si Two Timer kasunod ang nanggaling sa hulihan na si Mr.Bourbon.
Sa pagkakataong ito ay nais kong ipaabot ang aming pakikiramay sa pamilya at kaanak ng isa sa mga naging kababata ko sa Blumenttrit, Sta. Cruz, Maynila na si Edgar Carassco. Isang simple at mabait na tao iyan mula nung kami ay mga bata pa hanggang sa magbinata na sa M,Hizon pagitan ng mga kalye Cavite at Tecson. Isang palabati at mapagbigay na kaibigan iyan, lalo na kapag nasa tahanan ay welcome ka sa kanila. Paalam Kapatid kahit na talaga namang nakakabigla ang iyong pagkawala, pero sa puso’t-isipan ay mananatili ka pa rin sa amin.
REKTA
ni Fred Magno