Thursday , December 26 2024

Babaeng hukom, 44, hininalang binaril ng clerk of court (Suspek sinabing nagkitil sa sarili)

HATAW News Team

SA SILID kung saan tinitimbang ang katarungan, dalawang buhay ang kinitil ng armas na mas madalas ay instrumento ng inhustisya.

Kahapon, Miyerkoles, 11 Nobyembre, ginulantang ang Maynila ng ulat na isang babaeng hukom, kinilalang si Judge Maria Teresa Abadilla, ang sinabing binaril ng kanyang clerk of court na kinilalang isang Atty. Amador Rebato sa loob ng tanggapan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 45 sa ikalimang palapag ng Manila City Hall.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), sinabi umano ng mga saksi, na sina Abadilla at Rebato ay nasa loob ng chamber ng hukom nang makarinig sila ng mga putok mula sa loob ng nasabing silid.

Kinompirma ni P/Major Rosalino Ibay, Jr., hepe ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD SMaRT), isa sa mga unang nagresponde sa

crime scene, ang suspek na si Amador Rebato, isang abogado at clerk of court ni Abadilla.

Sa kumalat na video sa social media, nakitang itinakbo si Abadilla ng mga nagrespondeng pulis, na nakaupo sa cushioned swivel chair, mula 5th floor hanggang ground floor, saka binuhat at isinakay sa mobile patrol car.

Dinala si Abadilla sa Medical Center Manila (ManilaMed) ngunit idineklarang “dead on arrival” ng ER doctors dakong 3:15 pm.

Sa kabilang banda, ang suspek na si Rebato ay sinabing “dead on the spot” na hinihinalang nagbaril sa sarili.

Sa mga kumalat na retrato sa social media, si Rebato ay nakitang nakatihaya sa visitor’s chair sa harap ng mesa ni Abadilla katapat ng isang pambabaeng bag.

Nagkalat ang talsik ng dugo sa mesa ng hukom at sa baldosa ng nasabing tanggapan, habang mapapansin na isang baril, sinabing ito ay kalibre 9mm, ang nasa ibaba ng itinurong upuan ni Abadilla.

Iniulat na ang kalibre 9mm ay kargado ng 12 bala, at nakakuha rin ng dalawang basyo ng bala na pinaniniwalaang galing sa nasabing baril.

Sinabi sa ulat ng pulisya, ang pamamaril ay naganap dakong 2:45 pm sa loob ng Room 535, 5/F sa Manila City Hall.

Ang babaeng hukom ay tinukoy na anak ng namayapang si Colonel Rolando Abadilla, dating hepe ng Military Intelligence and Security Group (MISG) ng kinatatakutang Metropolitan Command (Metrocom) noong panahon ng martial law.

Ang amang Abadilla ay biktima rin ng pamamaslang noong 13 Hunyo 1996.

“It appears that on said date and time, said victim and suspect while inside the office of the said Judge Samonte (Abadilla), witness heard a gunshot,” saad sa inisyal na ulat ng MPD.

Sa ulat na ipinadala kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ni Manila City Hall security chief Lt. Col. Arsenio Riparip, sinabi umano ng isang saksi na si Rebato ay nahawa ng coronavirus at nagpaplanong magbitiw.

Ipinatawag umano ni Abadilla si Rebato para ‘kausapin’ kaugnay ng hindi magandang performance sa trabaho.

Sinabi sa ulat ni Riparip: “Bago marinig ang putok ng baril, nakita si Rebato na hindi mapakali at parang nanginginig habang tinatanong ni Judge Abadilla, kasunod nito’y walang gatol na itinutok ang baril sa ulo ng babaeng hukom saka ipinutok.”

Hindi sinabi sa ulat ni Riparip kung may ibang kasama sa loob ng tanggapan sina Abadilla at Rebato habang nag-uusap ang dalawa na masasabing nakakita ng aktuwal na pagbaril.

Si Abadilla ay sinabing ika-8 sa pinatay na hukom sa Duterte administration mula noong 2016, at ika-51 sa hanay ng legal profession.

CHIEF JUSTICE PERALTA
NAKIRAMAY, NANGHINAYANG
SA PAGKAWALA NI ABADILLA

IPINAHAYAG ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta ang kanyang pakikiramay at malakig panghihinayang sa maagang pagkamatay ng 44-anyos na si Judge Maria Teresa Abadilla.

“I personally know her to be an upright and highly competent magistrate,” pahayag ni Peralta, at kinompirmang ang kanilang mga pamilya ay magkababayan sa Ilocos Norte.

“I offer my sincerest condolences to the mother, Manang Susan Samonte Abadilla, and the siblings of Judge Abadilla and all her friends,” pahayag ni CJ Peralta.

Kaugnay nito, mahigpit na ipinag-utos ni Peralta na higipitan pa ang seguridad sa lahat ng hukuman.

Aniya, “I have directed the Court Administrator to employ stricter measures to prevent incidents like these from happening again.”

Samantala, hindi pa rin matanggap ng mga staff ni Abadilla ang pangyayari.

Hindi nila nakita ang buong pangyayari at hindi rin umano nila alam kung bakit biglang nagkaroon ng baril at nagputukan sa loob ng chamber.

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla Cannabis Marijuana

Robin iginiit benepisyong medikal na makukuha sa cannabis

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MASIGASIG si Sen. Robin Padilla sa pagsusulong ng medical cannabis dahil naniniwala …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Manila Honey Lacuna Yul Servo Nieto

Mayor Honey, VM Yul, Asenso Manileño Team namahagi ng Christmas gift boxes para sa Senior Citizens ng Maynila

NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *