UMABOT sa 24.4 milyong estudyante ang naka-enrol sa pampublikong paaralan sa darating na school year 2020 – 2021.
Ito ang ulat ni Secretary Leonor Briones ng Department of Education (DepEd) kahapon sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa budget ng ahensiya na naitala sa P754.4 bilyon.
“As of this morning we already have 24.4 million learners who are enrolled in our system. We achieved 98.8 percent of the numbers last year for the public sector,” ani Briones.
Mas mababa ang enrollees ngayon kompara noong nakaraang school year na mahigit sa 27 milyon ang mga nag-enrol.
Pero umaasa si Briones na madaragdagan ang mga mag-eenrol sa mga susunod na araw bago pormal na magbukas ang school year sa 5 Oktubre.
“As you see, everyday the number move,” ani Briones.
Sa kabila nito sinabi rin ni Undersecretary Jesus Lorenzo Mateo, umaabot sa 865 private schools ang nagsara dahil hindi sapat ang estudyanteng nag-enrol dito.
Ikinalungkot ng ahensiya ang kawalan ng pondo ng Department of Health para pangalagaan ang kalusugan ng mga pampublikong guro sa gitna ng pandemyang dulot ng CoVid-19.
Ani Undersecretary Annalyn Sevilla, nakikipag-ugnayan umano ang DepEd sa Department of Health (DOH) at local government units (LGUs) para sa CoVid-19 test sa mga guro upang masiguro ang kanilang kaligtasan. (GERRY BALDO)