ISANG grupo ng Lalamove riders ang nakatengga sa tulay ng Sapang Alat sa City of San Jose del Monte sa pangalawang araw ng lockdown na ipinapatupad ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Roque Tan, isa sa mga riders, hindi na sila puwedeng lumabas sa bayan dahil pagbalik ay isasailalim sila sa 14-araw quarantine period.
“Dalawang araw na kaming gutom,” ani Tan kasama ng higit sa 30 riders na nakisilong sa ilalim ng kahoy malapit sa tulay kung saan nagbabantay ang mga pulis, sundalo at mga taga-City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO).
Ayon sa CDRRMO na nagrerekord ng mga lumalabas at pumapasok na sasakyan, delivery ng mga essential goods gaya ng gamot, pagkain, at gasolina ang pinapayagang dumaan sa checkpoint.
Bukod sa essential goods, ang mga doktor ay pinapayagan pumasok at lumabas ng lungsod ayon kay Daniel Gappi, ang namumuno sa grupo ng mga taga CDRRMO sa checkpoint.
Ani Gappi, puwede namang lumabas ang mga taga-San Jose del Monte pero pagbalik ay sasailalim sa 14-araw na self quarantine.
Bitbit ang dalawang galon na pintura, si Christopher James Lopez, na nanggaling sa Teresa, Rizal ay pauwi sa Barangay Sto. Cristo nang matagpuan ng reporter na ito sa checkpoint.
Nag-fill-up siya ng information sheet bago siya pinayagang makaraan sa checkpoint. Aniya, ‘di na baleng mag-quarantine basta makauwi na siya sa bahay nila.
“Kailangan ko nang umuwi sa bahay at magpipintura ako ng bubong,” ani Lopez.
Pangalawang araw nang nagpatupad ng mahigpit na “health protocol” ang San Jose del Monte na lahat ng kalsada papasok at palabas ng lungsod ay bantay sarado ng pulis at mga taga-CDRRMO.
Ayon kay Mayor Arthur Robes, tatagal ang ganitong paghihigpit hangang 18 Agosto. (GERRY BALDO)