NADAGDAG sa tala ng COVID-19 patients ang dalawa kataong umuwi sa rehiyon ng Ilocos galing sa lungsod ng Maynila, nang magpositibo ang isang overseas Filipino worker (OFW) mula sa lungsod ng Dagupan, lalawigan ng Pangasinan, at isang seafarer mula sa bayan ng Bacnotan, lalawigan ng La Union.
Nabatid, ang 32-anyos OFW na umuwi mula sa Riyadh, Saudi Arabia ay nanatili sa Century Park Hotel sa Maynila habang hinihintay ang resulta ng mga pagsusuri na nagnegatibo sa SARS Cov2, ang coronavirus na sanhi ng COVID-19, kaya pinahintulutan siyang bumiyahe patungong Pangasinan sakay ng isang bus na nirentahan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Dinala siya sa isang quarantine facility sa lungsod ng Dagupan upang muling sumailalim sa pagsusuri kung saan inilabas ng Region 1 Medical Center na siya ay positibo sa virus.
Bagaman walang sintomas, isinailalim pa rin ang OFW sa quarantine sa naturang pagamutan.
Ayon kay Dr. Ophelia Rivera, COVID-19 focal person ng lungsod, nakipag-ugnayan na ang pamahalaang panlungsod sa Department of Health (DOH) upang mahanap ang iba pang OFW na sakay ng parehong bus.
Samantala, sa bayan ng Bacnotan, sa lalawigan ng La Union, sinabi ni Mayor Angelito Fontanilla na nagtungong Metro Manila ang 43-anyos seafarer para sa kaniyang pre-deployment medical examination noong 22 Hunyo.
Nang lumabas kinabukasan ang resulta, nabatid na positibo siya sa coronavirus saka dinala sa Balaoan District Hospital upang ma-confine.