MAGMULA nang magkaroon ng lockdown noong 14 Marso 2020 hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang paghihirap ng taongbayan. Kahit ito na ang pinakamatagal at pinakamahigpit na kuwarantina laban sa COVID-19 sa buong mundo.
Ngunit patuloy pa rin na tumataas ang bilang ng mga nahawa rito, at hindi bumababa, bagkus nadaragdagan pa. Dapat sisihin ang gobyerno ni Duterte.
Noong Febrero at mga unang linggo ng Marso, sinabi ni Duterte na walang dapat ikabahala. Nagbiro na sasampalin niya ang COVID-19 kapag nakita niya. Subalit ngayon, maliban sa mga kasapakat ni Duterte, wala nang natatawa.
Noong ika-22 ng Hunyo, naitala na 30,682 ang nahawa ng COVID-19; pangatlo tayo sa pinakamataas na bilang ng mga nahawa ng COVID-19 sa buong ASEAN. Ang bunton ng pagsisisi ay mismong nasa polisya ng gobyernong Duterte.
Mas pinipili ang “military approach” laban sa pandemya sa hindi nakikita. Mas pinili ni Duterte na iluklok ang mga retiradong heneral sa IATF kahit hitik ang bansa sa rami ng mga doktor at dalubhasa na mas may kakayahang labanan ang pandemya.
Ngayon, may naiulat na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cebu, at imbes magtalaga ng isang dalubhasa sa epidemolohiya, ang inilagay ay si DENR Secretary Roy Cimatu, isa pang retiradong heneral na mamahala sa laban kontra-COVID-19 sa Cebu.
May kasabihan na ang isang sintomas ng pagiging baliw ay ang paulit-ulit mong ginagawa ang isang bagay na inaasahan na laging may ibang resultang magaganap.
Hindi na ako magpapaligoy-ligoy. Palpak ang programa kontra-COVID ng pamahalaan ni Duterte. Kapuna-puna na wala siyang malasakit bilang isang pangulo at ang ginagawa niya ay iluklok ang mga ex-military, kahit wala silang nalalaman.
Heto ang sinabi ng ating kaibigan na si Bob Magoo: “He’s so scared of a coup that he’d rather visit military camps in the middle of the pandemic than visit the suffering citizens.”
Isa lang ang dahilan nito: takot siya na pabagsakin ng AFP.
Ito naman ang saloobin ng matalik kong kaibigan na apo ng Ama ng Balarila, Lope K. Santos, Propesor Bayani Santos: “Ang laki ng kasalanan ng Halimaw at Salot. Best performer dati ang Filipinas at rising tiger ng Asya.
Ngayon? Basket case na naman.
Ang pera natin, worse performer sa mga Asian currencies.
Ang reputasyon natin? From a model of democracy to Southeast Asia’s North Korea.
Gutom at sumama ang katayuan ng mahigit 80 porsiyento ng mga tao.
At hilong talilong, hindi alam ang gagawin ng Halimaw, sa pandemyang kaharap natin.”
Naririndi ang Filipinas sa kapalpakan ng baliw sa Malacañang. Napagod na sila sa sunod-sunod na dagok bunga ng maling desisyon. Nararapat na bumitiw na siya at hayaan ang susunod na nakatalga ayon sa Saligang-Batas ang mamuno na.
***
Sang-ayon po ako sa napipintog phase-out ng mga jeepney, pero dapat bigyan ng prayoridad ang mga driver na nawalan ng trabaho.
Kung tuloy ang pagbili ng mga bagong sasakyan dapat sila ang unang makinabang.
Isasailalim,sila sa bagong pagsasanay ukol sa mga sasakyan na ito para pakinabangan natin sila, at hindi na sila magmalimos ng ayuda. Maayos ang pagkatao at marangal ang mga Mamang Driver.
Huwag natin sila isantabi, bagkus pakinabangan natin ang kanilang dunong at karanasan sa likod ng manibela.
Mas may kakayahan silang akapin ang mga bagong reglamentong ipapataw ng LTFRB.
Sa ganitong paraan makikita natin kung bakit sila binansagang “Hari ng Kalsada.”
TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman