TUMIGIL sa operasyon ang Land Transportation Office (LTO) makaraang magpositibo sa COVID-19 ang 12 kawani ng ahensiya sa isinagawang rapid test.
Dakong 12:00 nn kahapon nang ipatigil ang operasyon ng LTO Central Office sa East Avenue, Barangay Pinyahan, Diliman, Quezon City.
Nagpasiya ang pamunuan ng ahensiya na pansamantalang itigil ang operasyon hanggang Biyernes para bigyang daan ang gagawing disinfection.
“The health and safety of our employees, as well as those of the public whom we have suspended operations in order to make sure that the threat of spreading the corona virus at our offices is contained. We are now conducting disinfection as well as further testing on all of our employees,” pahayag ni LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante.
Sa 100 kawani na isinailalim sa rapid test nitong Lunes, 15 Hunyo 2020, lumabas na 12 ang nagpositibo sa virus, batay sa lumabas na resulta kahapon.
Samantala, nakatakdang isailalim sa rapid test ngayong araw ang lahat ng kawani ng central office at Quezon City Licensing Office habang suspendido ang operasyon ng ahensiya.
Inaasahan na magbabalik operasyon ang ahensiya sa Lunes, 22 Hunyo 2020.
Ang mga kawani na nagpositbo sa virus ay mula sa Executive Director’s Office, Finance Division, at Law Enforcement Division. Negatibo ang mga kawani sa licensing and registration office.
Pinaalalahanan ni Galvante ang publiko na huwag mabahala dahil wala namang nagpositibo mula sa licensing and registration office. (ALMAR DANGUILAN)