PABOR si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na payagan nang makapagbiyahe ang mga tradisyonal na jeepneys.
Makatitiyak aniya ang mga tsuper na kung tatanungin siya sa kanyang posisyon sa isyu ng jeepneys ay positibo ang kanyang magiging kasagutan.
Ayon kay Mayor Isko, bilang dating trike driver, alam niya ang gutom na inabot ng maraming drivers sa nagdaang tatlong buwan ng quarantine.
Kaya sa pamamahagi ng ayuda, laging una sa kanilang listahan ang mga tsuper ng jeepneys at tricycle na umaasa lang sa arawang kita.
Kamakailan, namahagi ang city hall ng Maynila ng tig-isang kabang bigas at de lata sa mga tsuper.
“Lugmok na lugmok na ang mga jeepney driver, hirap na hirap na mga ‘yan at kayo’y dapat makapaghanapbuhay na dahil talagang mahirap na mahirap ang buhay ngayon lalo na ang mga sidecar boys, pedicab drivers, tricycle drivers, jeepney drivers, taxi drivers, bus drivers — sila, kapag walang biyahe walang kita, kapag walang kita walang tsitsa. Ganoon ang buhay nila araw-araw kaya kapag ang driver nagkakasakit doble tama sa kanila kasi walang tsitsa puro tosgas pa,” ani Moreno. (VV)