PINAGSASAKSAK hanggang mamatay ang isang barangay chairman ng isang lalaking lumabag sa quarantine protocols sa bayan ng Nabua, lalawigan ng Camarines Sur, noong Linggo ng gabi, 7 Hunyo.
Kinilala ni Major Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police, ang biktimang si Chairman Teopilo Braga, ng Barangay Bustrac sa naturang bayan; at ang suspek na si Dominguito Quipo, Jr., residente.
Ayon sa pulisya, nagroronda ang biktima sakay ng kaniyang motorsiklo nang mamataan niyang nakatambay ang suspek dakong 8:30 pm noong Linggo.
Nang komprontahin ng kapitan si Quipo, naglabas ang suspek ng patalim at sinaksak nang ilang beses si Braga saka tumakas.
Binawian ng buhay ang kapitan ng barangay habang nasa biyahe patungo sa pagamutan.
Naglunsad ang mga awtoridad ng hot pursuit operations upang mahuli ang nakatakas na suspek.