Sunday , December 22 2024
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman

Minority report eksaherado  

SIMULA noong Lunes, ang pag-aalis ng modified enhanced community quarantine sa Metro Manila at iba pa, senyales na bumabalik sa normal ang pamumuhay nating lahat.

 

Hindi biro ang dinanas ng sambayanan.

 

Dahil sa pandemyang COVID-19, napilitan tayong magkulong ng sarili, upang umiwas sa nakamamatay na virus. Marami ang nabago sa ating buhay. Isa ang karapatang pumunta sa lugar na nais puntahan, Bagkus, nagmistulang mga manok na ikinulong dahil laganap ang peste na nakamamatay.

 

Ang tawag daw dito ay ‘new normal.’ Ito ang bagong kalakaran na dapat sundin kung ayaw magkasakit. Pero ano ang ‘normal’ dito?

 

Magulo at matalinhaga ang implementasyon ng ‘new normal’ dahil sa mga pagmamalabis ng mga nagpapairal nito.

 

Isa ang nangyari kamakailan sa Barangay San Antonio sa distrito ng Agdao sa Davao City, may mataas na insidente ng COVID-19. Sa utos ng barangay captain, pinalangoy sa isang kanal ang mga lumalabag sa ‘curfew.’ Maliwanag na pagmamalabis ito ng nasa katungkulan at paglabag sa karapatang pantao.

 

Naglabas ng statement si Mayor Sara (without an “H”) Duterte: “Kining pa-swimmingon ang isa ka tao sa canal, pa-langoyun ang isa katao sa canal, thats not humane. What is humane is gipalimpyo dapat sila sa canal.”

 

Sa Tagalog: “Hindi makatao ang palanguyin mo ang tao sa kanal. Ang makatao ay paglinisin sila ng kanal.”

 

So, ano ang ‘normal’ na ginawa ni Kap sa tao? Iyong pinalangoy sa mabahong kanal dahil lumabag sa “curfew” sa Davao?

 

Nakuha ko punto mo Sara. Ito ang punto ng Metrocom noong nanghuhuli sila ng “curfew violators” noong panahon ng Martial Law ni Marcos. Pinagtabas sila ng damo sa ilalim ng araw, pinalinis ng kubeta ng sundalo sa kampo habang may nakaumang na baril sa kanila.

 

Sa akin, walang ipinag-iba ang Metrocom at barangay captain sa Davao. Imbes pauwiin sila, o bigyan ng babala tungkol sa “curfew,” wala silang pakialam kung ano pa ang rason nila.

 

Dahil gustong ipakita na may tangan na kapangyarihan sa mga taong hawak nila. Hindi normal na kalakaran ‘yan sa isang normal na lipunan. Normal na kalakaran ito sa isang “police state.”

 

Walang saysay ang sinasabi ni Sara dahil hindi tumutulong ang “statement’ niya upang  maibsan ang isyu ng pangmamalabis ng mga katulad ni Kap, bagkus, pinalalawig lang niya ang pangmamalabis laban sa mga tao sa ilalim ng isang “police state.”

 

Ang kaganapan sa Agdao, ay iisa lamang sa mga nakikita natin na “new normal?”

 

Sa mga nadakip dahil sa paglabag ng “curfew,” nawala ang mga “protocol’ tulad ng “physical distancing” at pinagkumpol-kumpol sila na parang manok na dadalhin sa katayan. May nakuhaan ng video na isang grupo ng “curfew violators” na ipinarada tangan ang mahabang lubid paikot ng bayan na parang prusisyon ng Flores De Mayo.

 

Dahil sa mga paglabag, naantig ang mga negosyante at naglabas ng kanilang kamahang pangnegosyo ng pahayag na hinihiling sa pamahalaan na pairalin ang patas na hustisya batay sa Saligang-Batas.

 

Ito ang pahayag ng American Chamber of Commerce of the Philippines (AmCham), ng Canadian Chamber of Commerce of the Philippines (CanCham), ng Financial Executives of the Philippines (FINEX), ng Institute of Corporate Directors (ICD), ng Institute for Solidarity in Asia (ISA), ng Judicial Reform Index (JDI), ng Management Association of the Philippines, at ng Makati Business Club (MBC).”

 

Anila: “We are therefore greatly disappointed — even appalled and dismayed — about news reports of public officials violating with impunity the IATF and DOH protocols intended to protect public health.”

 

Pantay man ang batas para sa lahat, napapansin ng karamihan na ito ay may pangil para lamang sa mga nasa laylayan ng lipunan. Noong Lunes, dumagsa ang mga tao sa mga lansangan patungo sa trabaho. Kapuna-puna ang kakulangan ng mga sasakyang pampubliko.

 

Isinisi ito sa pamamahala ni Art Tugade dahil kulang-kulang ang plano para maimplementa nang maayos ang balik-trabaho. Bukod sa iilang bus at ang mga tren, naglabasan ang mga sasakyan ng AFP, mga trak na puno ng pasahero, at ang pinaiiral na “social distancing” ay inihagis palabas ng bintana sa mga oras na yon.

 

Ngunit mapapansin ang iilang maabilidad nating kababayan ang nagbisikleta, e-trike, skateboard, o nag-‘kadilakad’ makarating lamang sa kanilang patutunguhan. Bagay na nagpapakita ng pagiging matimpiin ng mga Filipino. Panalangin ko na unti-unting maayos ang lahat, bagaman alam ko ang pagbabagong ito ay manggagaling sa taong bayan, hindi sa mga namamahala.

 

Dahil ipinakita na ng pamahalaan na sila ang may kagagawan ng maraming problemang kinahaharap natin.

 

***

 

Isa pang nakatatawa ang sinabi ni Sec. Eduardo Año na mahigpit ipinababawal ang magsakay ng pasahero sa motorsiklo kahit misis mo pa siya. Kaya dapat kabitan ng sidecar ang motor mo kung gusto mong isakay si misis.

 

Dalawang bagay lang. Ang halaga ng sidecar ay mahigit P30,000 na napakamahal para idagdag sa gastusin ng isang pangkaraniwang mamamayan. Pangalawa, ipinagbabawal ang tricycle sa national roads.

 

Hindi ko lubos-akalain na magsalita si Año ng ganoon dahil sa mga kalihim ng gabinete ni Duterte, isa siya sa mga matino. Nahawa na rin siya sa ‘beerus’ na laganap ngayon sa Malacañan.

 

***

 

Madali na ngayon ang mabansagan kang isang terorista, lalo na kapag naisabatas na ang Senate Bill 1083.  Ang nakatatakot sa Anti-Terrorisim Bill na minamadaling maipasa ay hindi dahil layunin nito na parusahan ang terorismo, kasama ang pagpatay o “mass murder,” lantarang pagwasak naiintindihan natin lahat ito.

 

Ang hindi natin maintindihan at lubos na nakababahala dahil ngayon pati ang hyperbole, figures-of-speech, at alarm and scandal ay bahagi ng pagiging terorista. Samakatuwid puwede kang bansagan na terorista dahil tsismoso ka, malakas makabatikos , o malakas mang-alaska sa gobyerno.

 

Ibig sabihin kahit napaghinalaan ka lang puwede kang dakpin at ikulong ng labing-limang araw nang walang kaso, basta naisip mo lang o nagsalita ka ng bagay na laban sa gobyerno kahit patawa pa ito. Pumasok tuloy sa isip ko ang pelikulang Minority Report ni Tom Cruise.

 

Dito puwede ka ikulong dahil sa krimen na maaari mo pang gawin dahil iniisip mo pa lang. Pero ang pelikula ni Stephen Spielberg ay panis kung ikokompara mo sa maaaring maging isang “police-state” tayo. Ano Filipinas, kaya pa ba?

 

[email protected]

TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman

About Mackoy Villaroman

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *