Sunday , December 22 2024

Sen. Cynthia Villar, isang social ignoramus na mambabatas

NOONG una, itinuring ko na lang na isang ‘laughing stock’ si Senator Cynthia Villar tuwing may sinasabi siyang  hindi angkop sa kanyang pagkato bilang bilyonaryang mambababastos ‘este mambabatas.

Ang isa rito, ‘yung ‘mamimigay’ raw siya ng libreng buto para makapagtanim at nang may makain ang mga kababayan natin habang nasa enhanced community quarantine (ECQ).

Kamukat-mukat mo, ang ipamimigay na buto ng mga pananim ay manggagaling pala sa Department of Agriculture (DA).

Hak hak hak!

Akala natin ‘e gagastos siya para bumili ng mga butong pananim, ‘yun pala hihingin lang sa DA. E bakit hindi pa ‘yung DA ang mamahagi ng buto sa mga kababayan natin?! Bakit eepal pa siya?

Totoong, isang magandang ideya ang manghikayat na magtanim ang ating mga kababayan, lalo na ‘yung backyard gardening na mapagkukuhaan ng mga pansahog-sahog na gulay gaya ng petsay, kangkong, talbos ng kamote at iba pa. At saka meron pa, sibuyas, kamatis, bawang at luya.

O ‘di ba, bahay kubo na lang ang kulang? He he he…

Kidding aside, naiintindihan ba ni Senadora Cynthia Villar ang mga pinagsasasabi niya?!

Parang kinakapos ng lohika ang bilyonarayang mambabatas.

Nagdududa tuloy ang marami na baka umiikli na ang memorya ng senadora kaya nagiging katawa-tawa siya sa mga sinasabi niya.

Minsan nang iniinterbyu siya sa radio, akala yata niya ay naka-off the air siya, bigla ba namang nagsisisigaw at tila nagpa-panic na tinatawag ang kanyang sekretarya o coach — mukha kasing hindi niya alam kung ano ang isasagot.

Hindi niya alam, dinig na dinig siya ng mga listener, ‘yun, naging katawa-tawa na naman siya.

Sa totoo lang, ‘yung iba nagagalit talaga ‘e, pero tayo, natatawa lang tayo rito kay Madam Senator.

Supposedly ay isa siyang tao na maalam sa politika pero bakit parang umaasta siyang ‘social ignoramus.’

Hindi naman sasabihin na hindi nag-aral ng social science si Madam Senator, gayong ang lahat halos ng negosyo nila, ang target na clientele ay middle income families at ‘yung mga nasa lower middle class na ang tanging pangarap ay magkaroon ng sariling bahay.

Ibig sabihin, naiintindihan dapat ni Madam Senator ang social structure ng lipunang Pinoy.

Kamakalawa, ang napag-initan nga niya ‘e ang middle class na hindi na raw kailangan bigyan ng ayuda ng pamahalaan kasi sumusuweldo naman sila ngayong panahon ng quarantine.

E take note lang, Madam Senator, e kahit nga sa mga mahihirap nating kababayan, parang wala kaming natatandaan na may naibigay kayo.

Ngayong magbibigay ng ayuda sa middle class ang pamahalaan ‘e ikaw ang umaangal?!

Huwaw!

Bakit po? Sa lukbutan ba ninyo manggagaling ang iaayuda ng pamahalaan sa middle class?!

Baka nalilimutan ninyo Madam Senator, ‘yang middle class ang madalas na nabibiktima ‘este bumibili ng mga ‘paninda’ ninyong housing units sa mga subdivision ninyo sa iba’t ibang bayan, lungsod at probinsiya sa bansa.

E kailan ko nga lang nalaman na buong Filipinas ang lawak ng lupaing pag-aari ninyo. Parang wala nang natira sa mga lupaing public domain. He he he…

Masisipag din silang botante, ‘yan ang huwag na huwag ninyong kalilimutan.

At bukod po sa suki ng mga subdivision ninyo ang middle class na ‘yan, sila rin po ‘yung kayang-kayang singilin ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Hindi sila puwedeng sumablay sa pagbabayad ng buwis, automatic kasing ibinabawas ‘yun sa  suweldo nila.

Sa totoo lang, karamihan din sa kanila dahil higit sa basic wage ang suma ng sinasahod ay hindi exempted sa mga buwis na hindi ipinapataw sa mahihirap nating kababayan.

Bukod pa riyan ang indirect taxes (ngayon ay nasa  pormang VAT o EVAT) na kalahok sa mga produkto o commodities na binibili natin.

At kung sila man ay mga kawani sa public sector, napakahirap makakuha ng scholarship ng kanilang mga anak, dahil ang kanilang ITR ay higit sa itinatakda ng kalipikasyon ng scholarship program.

Kaya marami sa mga middle class na ‘yan ang nababaon sa utang para mapagtapos ang kanilang mga anak sa pag-aaral.

Ngayong panahon ng pananalasa ng coronavirus (COVID-19) sa buong mundo, dinala sa bansa ng mga kaantas ninyo (pero huwag na tayong magsisihan) mula sa ibang bansa, hindi exempted sa panganib at paghihirap ‘yang mga middle class na ‘yan lalo’t humahaba ang panahon ng quarantine.

Marami rin sa kanila ang dumukot sa sariling bulsa (hindi gaya ninyo na may makukuhang pondo mula sa buwis ng mga mamamayan, lalo ang buwis na mula sa middle class, sakali mang maisipan ninyong tumulong) para ipantulong sa ilang kakilala, kaibigan, at/o kamag-anak.

Kaya kung mabibigyan ng ayuda ng pamahalaan ‘yang mga middle class na ‘yan, hindi rin nila sosolohin ‘yun. Babahaginan rin nila ang ilang malalapit sa kanila na nangangailangan.

Huwag kayong mag-aalala, Madam Senator, hindi naman sila gaya ninyo na tumutulong kunwari pero nag-iimbot.

Kung tumutulong ‘yang mga middle class na ‘yan, maliit man, pero mula naman sa kaibuturan ng kanilang puso.

Anyway, thanks but no thanks.

As much as your apology is badly needed, it should come from the bottom of your heart, not from your ‘poker face.’

Tsk tsk tsk…

 Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *