TINIYAK ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na tuldukan na ang “privatization” sa mga pasilidad na pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Napagalaman ni Mayor Isko, tila walang napapala sa privatization bagkus ay nagdudulot ng pagkatalo at kawalan sa panig ng lokal na pamahalaang lungsod.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng alkalde na kanilang itutuloy ang kampanya sa kalinisan partikular sa mga pampublikong palengke para mas maging kaaya-aya ang pamilihan ng raw foods.
“Libagan, sabunan at i-deodorize natin ang ating mga pamilihang bayan. Alisin natin ang lansa at mga ‘di kanais-nais na amoy,” pahayag ni Mayor Isko.
“Walang mapa-privatize sa panahon ko. Tapos na ‘yung panahon na pati mga palengke pinagkakakitaan,” dagdagng alkalde.
Ayon kay Mayor Isko, maraming pobreng vendors ang naging biktima ng isinagawang privatization kaya marami sa kanila ay napilitang magtinda ng kalakal sa lansangan habang ginagawa ang isinapribadong palengke, ngunit hindi na nakabalik dahil sa mahal na upa, bagay na ayaw mangyari ng alkalde sa kanyang panahon.
Pahayag ni Isko, dapat mabantayan ang interes at kapakanan ng pobreng vendors.
Biktima umano ng injustice ang mga vendors dahil sa mga kamay ng mga taong nakakuha ng ganansiya sa privatization ng mga palengke sa mga nakaraang adiministrasyon.
(BRIAN BILASANO)