TINIYAK ng Makabayan bloc na mayroon silang matitibay na ebidensiya at mga testigong handang humarap sa House of Representatives sa oras na gumulong ang imbestigasyon sa sinabing maanomalyang takeover ng Villar-owned Primewater Infrastucture Corporation sa ilang local water districts sa bansa.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, ang mga resource person at mga testigong kanilang ihaharap ay kinabibilangan ng mga empleyado na nawalan ng trabaho, mga consumer na nagrereklamo sa palpak na serbisyo ng Primewater at mga opisyal ng mga water district na magpapatunay na ini-railroad at may iregularidad sa pinasok na Joint Venture Agreement (JVA) ng Prime Water sa Local Water Utilities Administration (LWUA) kaya nagawang i-takeover ang local water districts (LWD) sa iba’t ibang bayan sa bansa.
“Kapag gumulong na ang imbestigasyon, isa-isang malalantad sa mata ng publiko ang sweetheart deals ng Primewater,” pahayag ni Gaite.
Kasabay nito, pinakikilos ng Makabayan bloc ang lliderato ng Kamara na aksiyonanan ang kanilang inihaing resolusyon na nakabinbin ngayon sa House Committee on Government Enterprises and Privatization na humihiling na magsagawa ng House inquiry laban sa Primewater na pagmamay-ari ng bilyonaryong mag-asawang sina Sen. Cynthia at Manny Villar.
Sa inihaing House Resolution No. 10 ng Makabayan Bloc na kinabibilangan nina Bayan Muna Rep. Gaite, Rep. Carlos Isagani Zarate, at Eufemia Caramat; ACT Teacher party-list Rep. France Castro; Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, at Kabataan party-list Rep. Sarah Elago, pinasisilip nila ang mga JVA na pinasok ng Primewater dahil may mga pagtutol sa 25-taong kasunduan ngunit natuloy pa rin ang public-private partnerships sa LWDs.
Isa sa inihalimbawa ng Makabayan bloc ang JVA ng Primewater sa San Jose del Monte City Water District na mahigpit na tinututulan ng consumers group na Alliance for Consumers Protection at mga residente dahil tataas hanggang P500 ang singil sa tubig sa pag-takeover ng Primewater gayong ang dati lamang binabayaran ay P280 kada buwan bukod pa rito ang reklamo sa mababang kalidad ng tubig at kakulangan ng supply.
Gayondin ang kawalan ng konsultasyon sa pag-takeover ng Primewater sa Bacolod City Water District na nagresulta sa pagkawala ng trabaho ng may 300 empleyado nito.
Sinabi ni Gaite, hindi dapat magkibit-balikat ang mga mambabatas sa reklamo ng mga consumer laban sa Primewater dahil karapatan ng bawat isa na magkaroon ng mura, malinis at sapat na tubig at sanitasyon alinsunod sa itinatakda ng United Nations Committee on Economic, Social and Cultural Rights.
Ang interes umano ng mga consumer ang dapat mangibabaw at hindi ang interes ng mga negosyante gaya sa kaso ng Primewater na nagawang i-takeover ang operasyon ng may 70 water districts sa maikling panahon.
Sa kasalukuyan, ang Primewater ay nag-o-operate sa 16 rehiyon, 36 probinsiya, at 125 munisipalidad at siyudad gayong dati ay sineserbisyohan lamang nito ang real estate projects ng mga Villar.
Sa Senado, may kahalintulad na panawagan si Sen. Richard Gordon na imbestigahan ang LWUA sa naging aksiyon nito na isapribado ang mga water district na ang kontrata ay nakopo ng Primewater.
HATAW News Team