PUMALO sa 80 pasyente ang ikinategoryang persons under investigation (PUIs) para sa novel coronavirus (nCoV) sa pinakahuling tala ng Department of Health (DoH) kahapon ng tanghali.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, sa nabanggit na bilang, 67 ang naka-admit at nasa isolation.
Habang ang 10 ay pinauwi na pero estriktong mino-monitor ng mga doktor.
Ang tatlo ay kinabibilangan ng isa sa kauna-unahang namatay dahil sa pneumonia at idineklarang negatibo sa nCoV.
Habang ang dalawa ay kinabibilangan ng magkasintahang Chinese nationals na ang lalaki ay idineklarang kaunahang nCoV death sa labas ng China, habang ang babae na unang idineklarang positibo sa ay nasa mabuti nang kalagayan, pero nanatiling binabantayan sa ospital.
Nalaman rin na kasama sa 80 ang ilang nakahalubilo ng dalawang nagpositibo sa 2019 nCoV at kasalukuyang binabantayan matapos kakitaan ng sintomas tulad ng lagnat.
Dalawang pagsusuri pa ang daraanan ng babaeng Chinese bago siya payagang makauwi.
Nilinaw ni Duque, ang nCoV ng dalawang Chinese nationals ay nakuha sa labas ng Filipinas kaya nanatiling zero nCoV pa rin ang bansa.
Sanhi nito, patuloy na nanawagan si Duque na magsanay ng tamang hygiene at huwag ikuskos sa mata, ilong, at bibig kapag marumi ang kamay at ugaliing maghugas ng kamay at panatilihin ang healthy lifestyle upang makaiwas sa naturang virus.
LABI NG ‘EXPIRED’
NCOV PATIENT SA PH
IKINI-CREMATE
— DOH
SINUNOG ang mga labi ng Chinese na nagpositibo sa 2019-nCoV ARD at namatay sa Filipinas, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III nitong Lunes, 3 Pebrero.
“Mayroon tayong tinatawag na burial saka ‘yung pangangasiwa ng pumanaw at ng katawan nito… at sa pinakahuling ulat sa akin, ike-cremate,” pahayag ni Duque sa isang panayam.
Dagdag ng kalihim, hindi na maipapasa ang virus mula sa nag-expire na carrier.
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni Duque, wala pa siyang impormasyon kung ibibiyahe pabalik ng China ang cremated na labi ng pasyente.
Nakikipag-ugnayan na sa Chinese Embassy sa Maynila ang DOH.
Nang tanungin kung bakit tila biglaan ang pagkamatay ng 44-anyos na Tsino, sinabi ng kalihim na mabilis ang pagbaba ng kondisyon ng pasyente mula sa pagiging stable.
“Sudden downturn dahil hindi lang nCoV mayroon ang pasyente. Mayroon din siyang streptococcus pneumonia — ito ‘yung isa sa pinakakaraniwang sanhi ng pneumonia. Mayroon din siyang influenza virus. Mayroon siyang co-infection,” ani Duque.
“Ito ay imported case. Hindi ito community-transmitted novel coronavirus,” dagdag niya.
Ang nasabing dayuhan ang kauna-unahang namatay sa coronavirus sa labas ng China.
Siya ang partner ng unang kompirmadong kaso ng 2019-nCoV ARD sa Filipinas na 38-anyos babae mula Wuhan, China. Kapwa sila bumiyahe mula Hong Kong papuntang Cebu noong 21 Enero bago nagtungo sa Dumaguete bago dumating sa Maynila.
Sinabi ni Duque, nasa maayos nang kondisyon ang babae ngunit patuloy pa ring inoobserbahan sa San Lazaro Hospital sa Maynila.
Hindi ito mapapalabas hangga’t hindi nagnenegatibo sa 2019-nCoV ARD virus.
Sa mahigit 80 persons under investigation (PUIs) sa buong bansa, 24 ang nagnegatibo sa virus, ayon sa kalihim. Hinihintay ang iba pang resulta ng confirmatory tests.
Samantala, pumalo sa 361 ang bilang ng namatay sa China sa 2019 novel coronavirus.