Friday , January 3 2025

Ang Tayangtang

BAGO po ang lahat, pahintulutan niyo po ako na ipakilala ang kahulugan ng napili kong pamagat para sa munting kolum na ito.

Ang tayangtang ay mahahabang upuan na kalimitang matatagpuan sa loob ng simbahan, sa ilalim ng puno, o dili kaya sa labas ng tindahan. Nagsisilbi itong pook pahingaan pagkatapos ng paggawa. Ang tayangtang ang nagsisilbing lugar kung saan nagkakaroon ng kuwentuhan at palitan ng kuro-kuro, balita, bidahan, o tsimis.

Ang tayangtang ang kadalasang pahingaan ng karamihan ng ating mga kababayan pag­katapos ng kanilang gawain. Mula sa mag­sasakang kagagaling sa maagang pagbungkal sa tipak, hanggang sa mangingisdang galing sa magdamag na pamamalakaya, ang tayantang ang una nilang pupuntahan upang magpahinga, at sumagap ng sariwang balita.

Samakatuwid ang tayangtang ay isang lugar kung saan sila pwedeng maghuntahan at makipag-ututang-dila at magpalitan ng kani-kanilang opinyon patungkol sa mga makabuluhang bagay na umeepekto sa kanilang buhay.

Samakatuwid, ang tayangtang, bukod sa sa pagiging isang pahingahan kung saan puwedeng humigop ng mainit na kape o tsaa, at kumain ng kakanin mula sa pondahan, ito ay nagsisilbing isang bukluran, o agora, kung saan may palitan ng impormasyon, balita, bali-balita, o tsismis mula sa labas.

Sa madaling salita rin, dito sa tayangtang, maaaring ikaw ang namamalita, o ikaw ang ibinabalita.

Ngayon, magtungo naman tayo sa kinagi­giliwang usapan dito sa tayangtang, ang politika at kalakaran ng kasalukuyang pamahalaan, at nagtitimon dito ang makatotohanan at payak na pamamalita, na walang bahid na kasinu­nga­lingan, kabulaaanan o tsismis.

At kung tsismis man ito, maliwanang na ito ay tsismis at maaaring propaganda, usapang showbiz, o spin na hindi dapat tratuhin na “gospel truth” at for entertainmant purposes only.

Bagaman, may kanya-kanya tayong opinyon, at may kanya-kanyang panig, at manok na pinupusuan, ang opinyon ng bawat isa, basta nakabase sa katotohanan na nagigisnan, ay sapantaha ng bawat isa na nakaupo sa tayangtang, at ito ay iginagalang at binibigyan ng kaukulang paghahalaga.

Kaya tandaan nating lahat… ‘Ke Noranian ka, ‘ke Vilmanian man, at the end of the day, pare-parehong showbiz tayong lahat.

*****

Sa programang The Chiefs ng OneNews na guest si Lorraine Badoy ng PCOO at mamamahayag na Len Olea.

Naimbitahan ang dalawa upang magbigay-liwanag patungkol sa press freedom sa bansa. Naging mainit ang usapan nang si Usec. Badoy ay nagbigay ng sweeping statement na karamihan ng journalists na kritikal sa pamamalakad ni Presidente Duterte ay maka-kaliwa o kapanalig ng CPP-NPA.

Kumontra si Olea at sinabi niya na ang “red tagging” ng administrasyong Duterte ay mapanganib para sa mga journalists at taliwas ito sa ibinibidang “press freedom” ng pama­halaang Duterte dahil inilalagay nito ang mga journalists sa panganib.

Matatandaan natin na sa ilalim ng adminis­trasyong Duterte, may 12 mamamahayag na ang napapatay.

Nag-react kamakailan ang mga hosts ng The Chiefs na si Ed Lingao at Roby Alampay nang sabihin si Usec Badoy na kahit anong positibong ginagawa ng pamahalaan, sa mata, sa mata ng IBON Foundation ito ay balewala sapagkat ang IBON Foundation ay isang communist front ng CPP- NPA.

Maaaring ito ay opinyon ni Usec Badoy subalit ito ay taliwas sa tinatalakay sa agenda na patungkol sa Duterte Legacy. Biglang tuma­lon sa isyu si Badoy at inakusahan ang IBON Foundation na communist front.

 

Dito pinaalahanan ng mga host ng programa si Badoy na manatili siya sa agenda na tinatalakay sa episode, at huwag ilihis ang issue dahil wala siya sa poder na gawin ito.

*****

Sa epidemyang Corona virus na kumakalat ngayon, dagliang pag-iingat ang kinakailangan upang makaiwas na mahawa at magkasakit…

Napag-alaman sa sakit na ito ay maaaring mahawa kahit wala pa sa incubation stage at sa kasalukuyan mahigit 5,000 na ang nagkasakit at mahigit 500 na ang namatay.

Ang pandemic na ito na nagmula sa Wuhan, China ay lubos na nakahahawa, at problema ngayon ng mga kinauukulan kung paano pupuksain.

Sa ngayon, nagbigay ang pamahalaan ng China ng travel advisory sa kanilang mamamayan na iwasan muna ang pagbiyahe, at manatili sa loob ng kanilang pamamahay.

TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman

About Mackoy Villaroman

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *