MAY mga bagong repertoire na mapapanood sa homecoming concert ng tinaguriang Crystal Voice of Asia na si Sheryn Regis. Ang kaabang-abang na concert niya ay pinamagatang Back To Love: Sheryn Regis Live at the Music Museum na gaganapin sa February 28, 2020.
Kakaibang repertoire raw ang mapapanood sa kanya rito.
Esplika ni Sheryn, “Ang repertoire ko ngayon, hindi ninyo siguro makikita iyong dating Sheryn, pero nandiyan pa rin, pero may bago para maiba naman. At saka I’m very, very excited to work with a director na sobrang galing na si Alco Guerrero at excited ako to work with the team.”
Naikuwento rin niya kung bakit siya nagbalik sa Filipinas.
“Parang iniisip ko, ‘Now Sheryn it’s your time to come back!’ Lagi kong iniisip iyan, nasa Amerika na ako, bakit pa ako babalik sa Filipinas? I mean, iniisip ko, ang ganda-ganda ng Amerika, bakit pa ako babalik? Pero mas maganda pa rin to perform for your fellow Filipinos, iba pa rin ‘yung atmosphere.
“‘Tsaka now bakit ako magbabalik, kasi ito ngang concert ko na Back To Love – back to what I really love the most, to sing here. Siyempre kailangan ko rin ng suporta… nakikita ko naman ang suporta ng aking bagong management, ang March On Entertainment Incorporated. Kasama ko ngayon si Michiko, one of the managers of March On Entertainment at siyempre kasama si Ate Mosang na grabe ang suporta sa akin, maraming-maraming salamat.”
Ayon pa sa mahusay na singer, nagla-line up pa sila ng guests kaya hindi pa ito puwedeng i-reveal sa ngayon.
Bago ang homecoming concert niya sa February 28, mapapanod si Sheryn sa Valentine concert sa Canada sa February 14, ang Free To Love: Sheryn Regis Live in Winnipeg. May naka-lineup din siyang shows sa February 8 sa Tallahasse, Florida at sa February 15 sa Steinbach, Manitoba, Canada.
Samantala, bukod sa pagkanta, nabanggit din ni Sheryn na gusto niya muling sumabak sa pag-arte. Gusto niya raw ay comedy dahil nag-enjoy siya noon nang lumabas sa Betty La Fea na tinampukan ni Bea Alonzo. “Gusto ko ulit, iyong role na hindi lang masyadong iiyak. Iyong parang comedy, romance-comedy, gusto ko ‘yun,” saad niya.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio