MATAPOS ang dalawang linggo simula nang magbuga ng usok at abo ang bulkang Taal, ibinaba kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang estado ng babala sa bulkan mula alert level 4 sa alert level 3 noong Linggo, 26 Enero.
Ayon sa Phivolcs, ibinaba nila ang alert level sa bulkang Taal dahil sa pagbaba din ng posibilidad ng mapanganib nitong pagsabog ngunit hindi umano nangangahulugang tumigil na ang banta ng pagputok nito.
Inirerekomenda pa rin ng Phivolcs ang pagbabawal sa pagpasok sa loob ng Taal volcano island o permanent danger zone maging sa mga lugar sa paligid ng lawa na sakop ng pitong-kilometrong radius mula sa main crater.
Pagpapaliwanag ng Phivolcs, sa alert level 3 maaaring magkaroon ng “sudden steam-driven and even weak phreatomagmatic explosions, volcanic earthquakes, ashfall and lethal volcanic gas expulsions.”
Sa bulletin ng ahensiya, bumababa ang bilang ng naitatalang pagyanig mula sa bulkan na dahilan din ng pagbababa nito sa alert level 3.
Mula sa tala ng Philippine Seismic Network (PSN), bumaba mula noong 12 Enero hanggang 24 Enero ang bilang ng mga pagyanig sa paligid ng Taal mula 929 hanggang 27 lindol kada araw na naitala ang mga lakas nito sa magnitude 4.1 hanggang 2.1.
Naitala din ng Taal Volcano Network (TVN) ang “downtrend” sa mga lindol mula sa bulkan mula 944 hanggang 420 kada araw mula 17 Enero hanggang 24 Enero.
Humina rin ang mga aktibidad sa Taal main crater gaya ng pagdalang ng pagbuga nito ng abo at usok.