Thursday , December 26 2024

Volcanic tsunami posible sa ilang lugar — PhiVolcs

NAGLABAS ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng listahan ng mga barangay na posibleng maapektohan kung sakaling magkaroon ng volcanic tsunami.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council, nasa 6,000 residente na ang nailikas mula sa danger zone noon pa lamang Linggo (13 Enero) ng gabi dahil sa pangambang magbunsod ng tsunami ang pagsabog ng bulkang Taal.

Karamihan sa mga barangay ay mula sa lala­wigan ng Batangas na nagdeklara ng state of calamity, habang ang ibang barangay ay mula sa lala­wigan ng Cavite kabilang ang lungsod ng Tagaytay.

Patuloy na nagmama­tyag at nagbabantay ang Phivolcs sa volcanic activity ng bulkan at sa mga pin­salang dulot nito.

Bukod sa pinanga­ngambahang tsunami, nag­babala rin ang Phivolcs kaugnay ng Volcano Base surge.

Dagdag na pag-iingat ang ipinapayo sa mga residenteng nakararanas ng mga epekto ng pagsabog ng bulkang Taal.

Ang mga sumusunod na barangay ang maaaring maapektohan ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Kalsada sa Batangas
nagkabitak-bitak

MALAKAS NA PAGSABOG
NG BULKANG TAAL
PINANGA­NGAMBAHAN

NAMATAAN hanggang nitong Martes, 14 Enero, ang mga bagong bitak sa mga kalsada sa ilang bayan sa lalawigan ng Batangas sa gitna ng napipintong posi­bleng mapanganib na pagsabog ng Bulkang Taal.

Ayon sa PhiVolcs, nakita ang mga bitak sa mga kalsada ng mga barangay ng Sinisian, Mahabang Dahilig, Dayapan, Palanas, Sangalang, at Poblacion sa bayan ng Lemery; Barangay Pansipit sa bayan ng Agoncillo;  Poblacion 1, Poblacion 2, Poblacion 3, at Poblacion 5 sa bayan ng Talisay; at Poblacion sa bayan ng San Nicolas.

Kabilang ang kalsadang nagdudugtong sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel sa nakitaan ng bitak.

“Ang inihuhudyat ng malalakas na lindol at fissuring na nangyayari ngayon sa Batangas ay mayrooon po tayong mala­king volume ng magma na ini-intrude sa edifice at maaari po itong iputok bilang isang malakas na eruption,” ani Mariton Bornas, hepe ng Volcano Monitoring & Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS sa isang press conference.

Dagdag niya, “Ngayon, hindi pa po masyadong humihiwalay ‘yung lupa pero noong 1911 ang nangyari po after ng malakas na pag­putok, lumubog pa ‘yung lupa riyan. Fissuring muna before the large eruption and then lumubog.”

Maaari rin umanong maging degassing vents ang mga bitak na maging daanan ng usok o ibang chemical compounds.

Magiging mapanganib umano ang mga bitak kung lalawak at lalaki, at kung nasa ilalim ng kabahayan.

Naitala sa paligid ng Taal ang may kabuuang 49 bagong pagyanig mula 2:00 hanggang 10:00 am noong Martes, at pito rito ay may lakas mula Intensity II hanggang IV sa lungsod ng Tagaytay.

Sa kabuuan, naitala ang 335 bilang ng volcanic earthquakes sa bulkang Taal simula noong Linggo ng hapon, 12 Enero.

Naglabas ng maitim na usok at abong may taas na 800 metro ang bulkang Taal na nakaapekto sa mga lugar sa timog kanlurang bahagi nito.

Mariing iminumumung­kahi ng PhiVolcs ang total evacuation sa Taal Volcano Island, maging ang nasa 14-kilometer radius mula sa pangunahing bunganga nito dahil sa posibleng pyroclastic density currents at volcanic tsunami.

Pinapayohan din ang iba pang residente sa mga lugar na nakapaligid sa bulkan na maghanda sa matagalang ashfall.

Nananatiling mapanga­nib sa mga eroplano ang airspace sa paligid ng bulkang Taal dahil sa mga abong nasa hangin at mga ballistic fragments mula sa eruption column.

NAPINSALA
AT NAPABAYAANG
HAYOP SA TAAL
SINAGIP NG MGA
RESIDENTE

SINAGIP ng mga resi­denteng bumalik sa g Taal ang mga hayop gaya ng kabayo, baka, at mga baboy na nakaligtas sa matinding ash fall na bumabalot ngayon sa buong isla.

Bukod sa pangingisda, ikinabubuhay ng mga resi­dente sa isla ang pagha­hayupan at pagpap­asakay ng mga turista sa mga kabayo na umaakyat sa bunganga ng bulkang Taal.

Ayon sa isang resi­denteng si Ronnie Barrion, kinulang sila ng oras upang madala ang mga alagang hayop nang lumikas sila mula sa isla noong Linggo, 12 Enero.

Samantala, nagsisimula nang umalingasaw ang masamang amoy ng mga patay na katawan ng baboy na naiwan sa kawayang kural at nalibing sa makapal na abo ang mga patay na baka.

Kahapon, 14 Enero, mayroong ilang mga baka at isang kabayong nakitang buhay sa Barangay Calauit.

Sa mainland, nailigtas ng mga residenteng sakay ng bangka ang apat na kabayong nababalutan ng putik mula sa isla.

Itinalag na rin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kahapon ang 20 tauhang lulan ng bangka upang magsagawa ng unang ocular visit ng pamahalaan sa isla.

Ayon kay Chris Palcis, pinuno ng grupo, nasa isla sila upang magsagawa ng rescue operation upang mailigtas pa ang mga tao at hayop na natira roon.

Nakita umano ni Barrion ang isang buhay na baboy ngunit hindi na niya ito dinala dahil hindi puwede ang mga hayop sa evacuation centers.

Dagdag ni Palcis, nagta­laga ang local government ng bayan ng Balete ng isang bahagi sa mainland upang mapagdalhan ng mga nailigtas na hayop.

Sinabi ni Aldrin Malapi, isa pang residente, kaila­ngan ng mga rescue team ng mas malalaking bangka at mga pala para mahukay ang isang metrong kapal ng abo.

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla Cannabis Marijuana

Robin iginiit benepisyong medikal na makukuha sa cannabis

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MASIGASIG si Sen. Robin Padilla sa pagsusulong ng medical cannabis dahil naniniwala …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Manila Honey Lacuna Yul Servo Nieto

Mayor Honey, VM Yul, Asenso Manileño Team namahagi ng Christmas gift boxes para sa Senior Citizens ng Maynila

NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *