Sa mga huling tagpo ng laban para sa pag-asa, kapatawaran, at pagmamahal sa pamilya sa pagtupad ng mga kahilingan, mananaig kaya ang daing ng kabutihan, o tuluyan na itong matatabunan ng kasakiman sa Starla?
Sundan ang huling limang gabi ng serye simula ngayong Lunes, 6 Enero.
Haharap sa panibagong pagsubok sina Teresa (Judy Ann Santos), Mang Greggy (Joel Torre), at Buboy (Enzo Pelojero) dahil napasakamay ni Dexter (Joem Bascon) si Starla (Jana Agoncillo) matapos nitong makompirma na ang baby wishing star ang nasa likod ng mga misteryoso at hindi maipaliwanag na milagro sa Baryo Maulap at ang dahilan kung bakit hindi maituloy-tuloy ni Dexter ang masasamang plano niya.
Dahil desperadong mapilit si Starla na tuparin ang kanyang gusto, kasado na ang balak ni Dexter na ilagay sa peligro ang buhay nina Buboy at Mang Greggy. Dahil lima na lang ang natitira mula sa 50 hiling na dapat niyang tuparin, mag-aalala ang wishing star para sa kapanan ng kanyang sarili, ng kinikilala niyang pamilya sa lupa, at ng buong Baryo Maulap.
Samantala, matapos namang pagsisihan ni Teresa ang mga kasalanan niya at patawarin ang kanyang ama, nakahanda nang aminin ng abogado ang mga kasamaang naging dulot ng paghihiganti niya laban sa mga taga-Barrio Maulap. Ngunit mapapatawad kaya siya ng mga kababaryo o tuluyan nilang itatakwil ang abogada? Magkakaroon pa kaya siya ng pagkakataon na itama ang mga nagawang mali?
Sa kabila ng nagbabadyang lagim na ihahasik ni Dexter, mailigtas pa kaya ni Starla sina Buboy at Mang Greggy? Matuloy pa rin kaya ang pagiging full-fledged wishing star niya?
Ang Starla ay isinulat ni Dindo Perez at idinirek nina Onat Diaz, Darnel Villaflor, at Jerome Pobocan. Binigyan nito ng liwanag ang mga gabi ng mga manonood sa paghatid ng good vibes sa primetime at nagturo ng magagandang aral sa mga bata at buong pamilya. Sa pagsisimula ng 2020, ipinaaalala rin nito at hinahangad na baunin ng mga manonood ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa, pagmamahal, pagpapatawad, pag-asa, at ng pamilya.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio