KAKAIBANG Maine Mendoza ang mapapanood sa pelikulang Mission Unstapabol: The Don Identity na isa sa inaabangang entry sa MMFF 2019. Kahit pinaghalong comedy at may action ang naturang pelikula na tinatampukan din ni Vic Sotto, seryoso raw ang role ni Maine rito bilang Donna Cruise at Claire.
Nabanggit ni Maine na na-challenge siya sa pelikulang ito dahil kakaiba sa lahat ng mga ginawa niya.
“Na-enjoy ko siya in a sense na hindi kasi siya ‘yung normal na ginagawa ko. Kasi rito, hindi talaga ako nag-comedy at all, kahit one percent. As in serious, 100 percent of the time. Si Dona Cruise, si Claire, sabi naman ng lipstick niyang itim ‘di ba? Sobrang seryoso niya, ‘yun medyo na-challenge rin ako kasi MMFF, tapos with Bossing, tapos seryoso… so parang medyo kinapa ko rin na, ‘Paanong atake ‘yung gagawin dito?’” pahayag ng aktres.
Nabanggit rin ng Kapuso actress na hanggang ngayon ay nai-starstruck pa rin siya kay Bossing Vic.
“Napansin ko po hindi po talaga nawawala ‘yung starstruck ko sa kanya e. Tsaka sobrang hanggang ngayon na-i-intimidate pa rin ako. Kumabaga hindi ko pa rin po siya mabati nang casual. Kasi Vic Sotto “Bossing” opo. Pero sobrang bait niya naman po sa akin.
“Pero ang nakatatawa po kasi everytime na nagro-roll ‘yung camera, nagiging father-daughter (kami), parang nawawala ‘yung ilangan, pero pagka cut parang…”
Bukod kina Bossing Vic at Maine, tampok din dito sina Pokwang, Jake Cuenca. Jose Manalo, Wally Bayola, at iba pa.
Ang istorya nito ay nakasentro kay master strategist na si Don Robert Fortun (Vic) na pinagsama-sama ang isang grupo ng mga eksperto na makikilala bilang The Dons na kinabibilangan ng magician na si Zulueta (Pokwang), ang wrestler na si Johnson (Jake), ang car racer na si Kikong (Jelson), at ang misteryosang master computer hacker na si Donna (Maine). Gagawin nila ang pinakamalaking plano para makuha ang sikat at heavily guarded na Pearl of the Orient mula sa mga kamay ng manlilinlang na kapatid ni Don Robert na si Benjamin Fortun (Jose) at para ma-vindicate ang kanyang pangalan sa isang karumal-dumal na krimen na hindi niya ginawa.
Ang Mission Unstapabol: The Don Identity ay mula sa pamamahala ni Direk Mike Tuviera at isa sa walong entries sa MMFF na magsisimula sa December 25.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio