DEAD-ON-THE-SPOT ang magnobyong binaril ng riding- in-tandem sa Tondo, Maynila kahapon, Linggo ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Rina Lopez, 31; at Jairius Palacio, 22.
Pasado 5″30 am nang makunan ng CCTV ang pagdaan ng magnobyo sa Barangay 139.
Ilang segundo lang pagkalipas, makikitang hinahabol na sila ng mga suspek na nakasakay sa motor.
Inabutan nila ang magnobyo sa panulukan ng Rodriguez at Nepa streets, at doon pinagbabaril.
Nakatakbo ang lalaki pero tinamaan din.
Ayon sa mga pulis at opisyal ng barangay, walang nakakikilala sa mga suspek dahil nakasuot ng helmet at jacket.
Hindi rin nakita sa CCTV ang plaka ng kanilang motorsiklo.
Ayon sa mga magulang ng mga biktima, wala namang nakakaaway ang dalawa.
Hindi rin daw sila nagdodroga kaya ang naiisip na lang nilang motibo sa krimen ang pagkahilig ng babae sa sugal.
Sa katunayan, bago mangyari ang pamamaril, galing ang mga biktima sa sugalan.
Pero tila walang interes ang mga suspek sa pera dahil hindi nila kinuha ang napanalunang P20,000 ng mga biktima.
Wala rin nawala sa kanilang mga gamit.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa krimen.
Kabilang sa mga susuriin nila ang anim na basyo ng hindi pa tukoy na baril na natagpuan sa crime scene.
Patuloy pang kumakalap ng CCTV footages ang mga pulis upang may mahanap pang indikasyon ng pagkakakilanlan ng mga suspek.